Mag-presscon ka pa, Sara | Pilipino Star Ngayon


BARDAGULAN — Ronald M. LLamas — Pilipino Star Ngayon

October 22, 2025 | 12:00am

ISANG linggo makaraang ma-appoint si Crispin “Boying” Remulla bilang bagong Ombudsman, agad namang nagpa-presscon si impeached Vice President Sara Duterte sakto sa “World Pandesal Day.” Parang isang matigas na tinapay, nilubog niya ang sarili sa mainit na kape ng kanyang palasak na drama.

Reklamo ni Sara, pinag-iinitan daw siya at ang kanyang pamilya ng administrasyon. Tila humihingi ng awa at simpatiya sa pubilko. Hindi raw sila patas na tinatrato. Patas? Sabihin ninyo ’yan sa libo-libong pinaslang sa madugong “war on drugs.” Ang problema sa mga Duterte, sumisigaw lang sila ng fairness kapag sila na ang naiipit.

Okay na sana ang presscon ni Sara. Kaya lang hindi talaga makalimutan ng mamamayan ang kanyang 11-day confidential fund spending spree, ang Zoom media call sa dilim na parang horror movie habang nagbabanta ng assassination sa mga kaaway, ‘yung pahayag na pupugutan daw niya ng ulo ang ex-BFF na si President Bongbong Marcos, ipapahukay ang bangkay ni Marcos Sr. at itatapon sa West Philippine Sea, at ang kaliwa’t kanang kapalpakan sa Department of Education. Madam VP, wala kang dapat ibang sisihin. Ikaw mismo ang gumawa ng sarili mong hukay.

Litanya pa ni Sara, bakit daw nadadamay ang pamilya niya sa corruption investigation, imbes na naka-focus sa kasaluku­yang administrasyon. Pambihira talaga mag-isip, ano? Parang taga ibang planeta. Anti-corruption lang ang mga Duterte basta’t ang timeline ay nagsisimula sa 2022 pataas.

At sa kanyang presscon, sa wakas, ipinaliwanag ni Sara kung paano niya ginastos ang kanyang confidential funds. Pag­katapos ng mga Piattos at Mary Grace excuses, ginamit daw niya ito para imbestigahan ang laptop corruption scandal sa DepEd. Wow naman. Okay sana eh. Kaso, nangyari ito sa termino ng tatay niya! Heto na naman si self-sabotage queen. Sa isang iglap, siya pa ang nagkumpirma ng malawak na korapsyon sa Duterte administration. 

Marami pa ang mga corruption scandals ng mga Duterte. Sino ang makakalimot sa multi-billion Pharmally case at sa multi-million joint venture ng mga Discaya sa CLTG Builders na pagmamay-ari ng tatay ni Senator Bong Go, to name a few. 

Kaya mag-presscon ka pa, impeached VP Sara. Sa bawat bukas ng iyong bibig na walang preno, pinapatunayan mong tama lang na imbestigahan din kayo, at mas lalo mong nilu­lubog sa putik ang sarili mong dinastiya.