Mahalagang payo sa may TB


DOC WILLIE — Dr. Willie T. Ong — Pilipino Star Ngayon

January 16, 2026 | 12:00am

ANG sintomas ng TB ay ang pag-ubo, pamamayat, pagkapagod, lagnat sa hapon, pawisin sa gabi at walang ganang kumain.

Kung may sintomas kayo nito o kung may kasama kayo sa bahay na may TB, kumunsulta na sa doktor.

Payo sa may TB:

1. Huwag manghawa ng ibang tao. Sundin ang payo ng doktor at inumin ang gamot ng 6 o 9 na buwan. Kapag hindi nagpagamot ang pasyenteng may TB, malamang ay mahawa din ang lahat ng kasama niya sa bahay, lalo na ang mga bata.

2. Manatili sa bahay sa unang tatlong linggo ng gamutan. Huwag munang pumasok sa eskuwelahan o trabaho. Ang iyong plema at laway ay puwedeng makahawa sa iba.

3. Buksan ang bintana sa kuwarto. Huwag muna makisama sa iba sa loob ng tatlong linggo.

4. Takpan ang bibig ng tissue kapag umuubo o bumabahing. Itapon ang tissue sa basurahan.

5. Kung gustong lumabas ng bahay, puwedeng magsuot ng face mask.

6. Mahalaga na tapusin ang anim o siyam na buwang gamutan para sa TB. Huwag ititigil ito nang walang pahintulot ng doktor.

7. Sumunod sa healthy lifestyle at umiwas sa bisyo. Kumain ng masustansya para manatili ang lakas.

8. Maging positibo sa pananaw. Ituloy ang mga gawain at hobbies. Pagkatapos ng gamutan ay malaki ang tsansang gagaling na.

Payo sa health workers:

1. Gamitin ang DOTS strategy o Directly Observed Therapy Short Course. Ang ibig sabihin nito ay may isang health worker o kamag-anak ang magbabantay sa pasyente habang iniinom niya ang kanyang gamot araw-araw.

2. Ano ang mangyayari kapag naitigil ng pasyente ang gamutan sa TB ng dalawang linggo o higit pa? Sa ganitong pagkakataon ay kailangang ulitin ng pasyente ang anim na buwan na gamutan.

3. Sana ay magpa-check up ang pasyente bawat buwan sa kanyang doktor. Ito’y para masuri ang epekto ng gamot at matugunan kung may side effects ito.

4. Kapag umiinom ng gamot para sa TB ay magiging kulay orange ang ihi ng pasyente. Normal lang ito at ituloy pa rin ang gamutan.

5. Karamihan ng pasyente ay gagaling na pagkatapos ng 6 na buwan na gamutan. Inaasahan nating tuluy-tuloy na ang kanyang paggaling. Good luck po