January 4, 2026 | 12:00am
Bilang drastikong hakbang laban sa talamak na paninigarilyo sa mga pampublikong palikuran, isang shopping center sa Shenzhen, China ang nag-install ng mga high-tech na pinto sa kanilang mga CR cubicles na awtomatikong nagiging transparent o kita ang loob kapag naka-detect ito ng usok ng sigarilyo.
Sa Shuibei International Center, sasalubungin ang mga magtatangkang manigarilyo ng babala na “Smoking makes the glass transparent,” kung saan ang mga espesyal na salamin na may silver halide compound ay mawawalan ng frosted effect at magiging malinaw oras na ma-trigger ng smoke at heat sensors, kasabay ng isang malakas na audio broadcast na nagpapaalala sa batas laban sa paninigarilyo.
Ayon sa management, napilitan silang gawin ang solusyong ito dahil hindi naging epektibo ang mga naunang multa at ban sa mga pasaway na mallgoers, kaya’t ngayon ay tinatakot na lamang nila ang mga ito sa pamamagitan ng “public humiliation” at banta na makunan ng litrato o video habang nasa pribadong kalagayan.
Ang inisyatibang ito ay naging viral at umani nang magkahalong reaksyon; habang tuwang-tuwa ang mga non-smokers dahil matitigil na ang secondhand smoke, nangangamba naman ang iba sa privacy risks sakaling magkaroon ng glitch ang sensor o sadyain itong pausukan mula sa labas ng pranksters habang may inosenteng tao na gumagamit sa loob.