September 26, 2025 | 12:00am
ISANG 16-anyos na teenager sa China ang gumastos ng 16,700 yuan (humigit-kumulang ?134,000) sa mga growth therapy sessions sa loob ng anim na buwan.
Dahil dito, nakakuha siya ng dagdag na 1.4 centimeters sa kanyang height, ngunit nawala ang lahat ng iyon sa loob lamang ng dalawang linggo matapos niyang itigil ang therapy.
Ang tinatawag na “non-invasive growth therapy” ay binubuo ng iba’t ibang stretching exercises na umano’y makakapagpalabas ng growth potential ng isang tao.
Ayon sa ama ng binata na si Mr. Huang, ang height ng kanyang anak ay tumaas mula 165 cm hanggang 166.4 cm sa loob ng anim na buwan. Ngunit ang dagdag na 1.4 cm ay nawala agad makalipas ang dalawang linggo matapos itigil ang therapy.
Nagreklamo sila ngunit ipinaliwanag ng clinic na masyado nang matanda ang bata para maging epektibo ang therapy. Sa huli, nabalik ang buong bayad ng pamilya.
Ipinaliwanag ni Mr. Huang na linggu-linggo niyang dinadala ang kanyang anak sa mga growth therapy sessions.
Ang mga ito ay kadalasang binubuo ng mga stretching exercises at pagsusuot ng mga kakaibang kagamitan na nilayon upang “i-activate” ang kanyang mga tuhod.
Ayon sa clinic, ang kanilang procedure ay idinisenyo upang pahabain ang mga buto ng tuhod ng mga bata at tulungan silang tumangkad, ngunit walang siyentipikong ebidensiya na sumusuporta na ito ay talagang gumagana.
Ayon kay Wu Xueyan, Chief Physician ng Department of Endocrinology sa Peking Union Medical College Hospital, ang pag-uunat ay maaaring magpataas ng height ng isang tao ng kalahating sentimetro hanggang isang sentimetro, ngunit ang epekto nito ay pansamantala lamang.
“Ang mga tao ay hindi noodles, at ang pag-claim na ang stretching ay makapagbibigay ng permanent height increase ay impossible,” sabi ni Wu Xueyan. Idinagdag niya na ang tanging maaasahang non-invasive growth promoting strategy ay ehersisyo, dahil pinatataas nito ang growth hormone levels.