COTABATO CITY , Philippines — Isang lalaking farm worker ang agad na namatay nang tamaan ng kidlat habang nagkakarga ng bagong ani na mga pinya sa isang pineapple plantation sa bayan ng Sumilao sa Bukidnon nitong Huwebes.
Umaambon noon sa kapaligiran ng pineapple plantation, ayon sa ulat nitong Linggo ng mga local government officials sa Sumilao.
Ayon sa mga hiwalay na ulat ng mga local executives sa Sumilao at ng Bukidnon Provincial Police Office nitong Linggo, inaayos ng biktima ang kamada ng mga bagong harvest na pinya sa isang hauler truck na nakaparada sa isang farm-to-market road sa naturang pineapple plantation ng biglang kumidlat ng sunud-sunod sa kapaligiran.
Nakita na lang ng mga kasama ang biktima na hindi tinukoy ang pagkakakilanlan ng nakahandusay na sa ibabaw ng kargang pinya ng naturang truck na wala nang buhay, matapos tamaan ng kidlat.
Agad namang naihatid ang bangkay ng biktima sa kanyang pamilya at nangako ng ayuda sa pagpapalibing ang local officials ng Sumilao, isa sa mga bayang sakop ng probinsya ng Bukidnon na tinaguriang “pineapple capital” ng Region 10 sa Mindanao.