Manghuhula sa Thailand, inaresto matapos nakawan ang kliyente para magkatotoo ang hula na mananakawan ito!


MGA KUWENTONG WEIRD — Ronniel Niko B. Halos — Pilipino Star Ngayon

January 5, 2026 | 12:00am

KULUNGAN ang bagsak ng isang 38-anyos na manghuhula sa Pattaya, Thailand matapos itong arestuhin dahil sa ninakaw nito ang iPhone 13 Pro ng kanyang 19-anyos na kliyente sa mismong araw ng Bagong Taon.

Ayon sa ulat ng pulisya, nagbabala ang suspek sa biktimang si “Pim” na mamalasin ito at mawawalan ng mahalagang gamit kung hindi siya magbibigay ng additional na bayad para sa isang ritwal na pang-kontra malas.

Nang tumanggi ang dalaga na magbigay ng dagdag na bayad, kinuha ng manghuhula ang cell phone na nakalapag sa mesa habang isinasagawa ang panghuhula.

Nang balikan at komprontahin ng biktima ang manghu­hula, sinubukan pa ng suspek na itanggi ang pagnanakaw at mani­pulahin ang biktima sa pamamagitan ng gaslighting at paggigiit na ang pagkawala ng cell phone ay patunay na nagkatotoo ang hula.

Nag-imbento pa ang suspek ng kuwento at nagbigay pa ng deskripsyon sa hitsura ng “magnanakaw” na diumano’y nakita niya sa kanyang pangitain.

Gayunpaman, hindi naniwala ang biktima at humingi ng saklolo sa mga tao sa paligid at sa pulisya.

Sa paghahalughog, nabuko ang modus ng manghuhula nang matagpuan ang nawawalang iPhone sa bag nito. Sa huli, umamin ang suspek na nagawa niya lang ito dahil kailangan niya ng pera sa Bagong Taon.

Inaresto at kinasuhan ang suspek at kinumpiska ang lahat ng kanyang gamit sa panghuhula.