Pagiging alkalde ng Bamban binura
MANILA, Philippines — Tuluyang nang binura ng korte ang buong termino ng panunungkulan ni Alice Guo bilang alkalde ng Bamban, Tarlac, dahil wala umanong dudang ito ay isang Chinese at hindi kuwalipikado para sa nasabing posisyon.
Ito ang nakasaad sa desisyong inilabas ni Presiding Judge Liwliwa Hidalgo-Bucu ng Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 34, na may petsang Hunyo 27, at nag-aapruba sa quo warranto petition na inihain ng Office of the Solicitor General (OSG).
“Alice Leal Guo is found disqualified from and is hereby adjudged guilty of usurping and exercising the Office of the Mayor of Bamban, Tarlac. Accordingly, she is hereby ousted and altogether excluded therefrom,” bahagi pa ng desisyon.
Una nang sinampahan ng OSG ng quo warranto petition si Guo, na nahalal bilang alkalde ng Bamban noong 2022 polls, upang tuluyan na itong mapatalsik sa puwesto.
Sa paglalabas ng desisyon, sinabi rin ng hukuman na si Alice Guo at si Guo Hua Ping, na isang Chinese, ay iisa.
Nabatid na sa pagdedesisyon, binigyang-bigat ng hukuman ang dalawang ebidensiya ng pamahalaan na walang birth, death at marriage records para sa mga magulang ni Alice Guo at ang pagtestigo ng isang signature expert, na nagsabing ang fingerprint ni Alice Guo at ni Guo Hua Ping ay magka-match.
“She and her parents are holders of Chinese passports,” dagdag pa ng hukuman.
Si Guo ay may 10 buwan nang nakapiit dahil sa non-bailable charge na qualified human trafficking.
Nahaharap din siya sa magkahiwalay na kasong money laundering at graft.
Nag-ugat ang mga kasong kinakaharap ni Guo sa pagkakasangkot niya sa scam hub sa Bamban.