Mapanganib na landfill pinatitigil sa DENR


MANILA, Philippines — Hiniling ng isang environmental group sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na ipatigil ang operasyon ng isang dumpsite sa Porac, Pampanga dahil umano sa matinding banta sa kalikasan at kalusugan ng mga tao.

Sa pangunguna ni Bency Ellorin, pangulo ng Pinoy Aksyon for Go­vernance and the Environment, naghain sila ng petisyon sa DENR para sa agarang pagpapalabas ng Cease-and-Desist Order na magpapatigil sa operasyon ng Eco Protect Management Corporation (EPMC) sa Brgy. Mancatian, Porac.

Nakasad din sa ­petisyon ang pagbawi ng ECC (Environmental Compliance Certificate) ng pasilidad; imbestigahan at ayusin ang lugar at pagpapanagot sa mga may kasalanan, pribado man o pampubliko, sa paglabag sa batas at sa panganib na idinulot sa kalusugan ng mga tao.

Ayon sa grupo, ang dumpsite na ito ay isang “peligrong pampubliko” at parang “bomba” na maa­aring sumabog anumang oras dahil umano sa polusyon at sakit na dulot nito.

Ilan sa mga nakakaa­larmang natuklasan ng grupo ay pagtatayo ng dumpsite sa mapa­nganib na lupang lahar, na madaling gumuho o ma-erode ayon sa mga eksperto at drone footage; may lason (toxic leachate) na tumatagas pa­punta sa ilog Pasig-Potrero na pinanggaga­lingan ng patubig, inuming tubig, at groundwater sa Porac, Guagua, Bacolor, at mga kalapit na bayan; ilegal na pagtatapon at maling paghawak ng ha­zardous at medical waste, kasama na ang basurang galing Bulacan na walang permit; walang maayos na Materials Recovery Facility (MRF), isang malinaw na paglabag sa batas (RA 9003); at hindi nasasala ang hangin sa paligid, kaya’t nananatili ang mabahong amoy at alikabok na nakakaperwisyo sa mga nakatira malapit dito, lalo na sa mga bata at matatanda.  

Kinumpirma rin ang mga findings ng grupo ng drone videos, technical reports, at mismong surprise inspection ni Pampanga Governor Dennis “Delta” Pineda.