MANILA, Philippines — Inaasahang sina Zamantha Nolasco at Rhea Mae Densing ang babalikat sa defending champion College of Saint Benilde para sa kanilang opensa sa pagharap sa Mapua University sa semifinals ng NCAA Season 100 women’s volleyball tournament na lalaruin sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan ngayong araw.
Lumanding sa No. 1 sa team standings ang Lady Blazers Blazers, (16-2) pagkatapos ng double round robin eliminations kaya naman tangan nila ang twice-to-beat advantage laban sa No. 4 na Lady Cardinals.
Magsisimula ang kanilang paluan sa alas-2:30 ng hapon, isang panalo lang ang kailangan ng Taft-based squad.
Bukod kina Nolasco at Densing, huhugot din ng lakas ang Lady Blazers kila Francis Mycah Go, Cristy Ondangan, Clydel Mae Catarig at Wielyn Estoque para tapusin agad ang Lady Cardinals at maka-usad na sa championship round.
Pero tiyak na hindi basta magpapadaig ang Lady Cardinals, at dahil dehado sila sa laban ay naghanda ito ng todo para makasilat at makahirit ng do-or-die Game 2 laban sa pinapaborang Lady Blazers.