KUNG ikaw ay babae malamang na nakararanas ka ng pananakit ng puson o menstrual cramps bago dumating o habang mayroong regla. Tinatawag din itong. dysmenorrhea.
Ang nakababagot, nakagagambala at sobrang pananakit ng puson ay nabubuo sa ibabang bahagi ng tiyan at gayundin sa likod at hita.
Ang iba naman ay nakararanas pa ng pagduduwal, pagsusuka, pagtatae, pagpapawis at pagkahilo.
Ayon sa mga eksperto, ang pananakit ay dahil sa paghilab ng matris na nagpapahiwatig na ang daluyan ng dugo ay naiipit.
May kondisyon din tulad ng endometriosis at uterine fibroids na nagdudulot ng sakit sa puson.
Ang menstrual cramps ay nababawasan habang nagkaka-edad at nawawala pagkatapos manganak.
Tips para makaramdam ng ginhawa at maiwasan ang menstrual cramps:
1. Lagyan ng hot compress – Subukan magbabad sa bath tub ng may maligamgam na tubig o mag-apply ng hot compress (mainit na tuwalya) sa iyong ibabang bahagi ng tiyan.
2. Mag-ehersisyo – Nakatutulong ito na mabawasan ang sintomas ng menstrual cramps.
3. Pain relievers na panandalian lang – Puwede ang paracetamol, ibuprofen o naproxen kapag nagsimula na makaramdam ng cramps. Kung hindi naman ganoon kasakit, huwag na lang uminom ng pain relievers.
4. Dietary supplement – Ayon sa ilang pag-aaral, ang Vitamin E, thiamin, at omega-3 supplement ay maaaring makatulong na mabawasan ang sintomas ng menstrual cramps.
5. Kumunsulta sa doktor kung ang menstrual cramps ay sobrang sakit, may kasamang lagnat, hindi nawawala at nakagagambala sa iyo. Kumunsulta rin kung naduduwal, mayroong kakaibang discharge sa puwerta.
***
Varicose veins
Maraming may problema sa varicose veins o yung malalaking ugat sa paa at kamay. Hindi ito magandang tingnan at minsan ay sumasakit pa. Mabigat at pagod ang pakiramdam ng may varicose veins. Ano ang solusyon dito?
1. Huwag ma-guilty – Mga 17 percent ng pasyente ay may varicose veins. Ito ay dahil namana natin ito sa ating mga magulang.
2. Itaas ang kamay o paa – Ang sanhi ng varicose veins ay ang pagluwag ng ating mga ugat. Kapag laging nakababa ang ating paa, mag-iipon dito ang dugo at mamamaga ang ating ugat. Kaya umupo at ipatong ang paa sa isang silya o kutson. Ipatong din ang kamay sa isang unan at itaas ng ilang ulit sa isang araw.
3. Magsuot ng support stockings o masikip na medyas – Mabibili ito sa mga SM department store o sa medikal na tindahan. Ayon kay Dr. Katty Go, ang support stockings o compression stockings ang pinakamabisang lunas sa varicose veins. Gamitin ito palagi.
4. Huwag tumayo ng ilang oras – Kung ang trabaho mo ay security guard, pulis o saleslady, puwede kang magka-varicose veins. Galaw-galawin ang iyong paa habang nakatayo. Parang nag-e-exercise ka para umakyat ang dugo mula sa paa pabalik sa puso. Kung puwedeng umupo ay mas mainam sana. Sundin ang naunang payo na mag-stockings o mag-medyas ng masikip!
5. Itaas ang paa habang natutulog – Ipatong ang paa sa isang unan para mabawasan ang pag-iipon ng dugo rito.
6. Huwag magsuot ng masikip na pantalon – Kapag masikip ang ating pants o maong, puwedeng maipit ang ugat sa paa. Siguraduhing katamtaman lang ang sikip para makadaloy ang dugo sa mga ugat.
7. Kumain ng mga gulay – Mataas sa fiber ang patola, pechay, okra, at kangkong na makatutulong para hindi magka-varicose veins.
8.Kumain ng prutas – Ang prutas tulad ng papaya at pinya ay may fiber din. Sa tulong nito, magiging regular ang iyong pagdumi. Kapag malambot ang inyong dumi, makaiiwas kayo sa varicose veins at sa almoranas din.