Meralco malakas ang boltahe | Pilipino Star Ngayon


MANILA, Philippines — Matapos ang dramatikong tagumpay sa pagsisimula ng kanilang title defense ay suwabeng inilista ng nagdedepensang Meralco ang ikalawang sunod na panalo.

Kinuryente ng Bolts ang Terrafirma Dyip, 118-80, para solohin ang liderato ng Season 49 PBA Philippine Cup kahapon sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.

Nagmula ang Meralco sa 91-89 pag-eskapo sa Converge tampok ang game-winner ni Chris Newsome.

‘I think the guys are pla­ying well together. They’re sharing the ball. Bong (Quinto) led the way, iyong mga assists, you know we have 26. Last, last conference we ‘re about 20, 21 (assists),” ani coach Luigi Trillo.

Umiskor si CJ Cansino ng 19 points tampok ang dalawang four-point shots at may 16 markers si Kurt para sa Bolts.

“Talagang ready naman kami every game namin, especially sa practice namin talagang pinu-push nila kami (coaches),” dagdag ni Quinto na may limang assists. “Tala­gang lahat ng player na ginamit ngayon nag-contribute.”

Bigo ang Terrafirma na madupika ang naunang 95-87 paggupo sa Phoenix.

Kaagad nag-init ang Bolts sa pagtatayo ng 25-10 abante patungo sa pagpoposte ng isang 20-point lead, 42-22, tampok ang three-pointer at drive ni Cansino sa 7:40 minuto ng second period.

Isang 19-6 bomba ang inihulog ng Dyip para makalapit sa 41-48 bago ang halftime.

Sa pagbubukas ng third quarter ay naglunsad ang Meralco ng isang 12-0 atake para muling makalayo sa 68-43 sa 6:21 minuto nito.

Ang magkadikit na four-pointer ni Cansino at triple ni Reyson ang tuluyan nang nagbaon sa Terrafirma sa 93-56 sa pagsisimula ng fourth period.