Mga atletang Pinoy, nananalasa sa abroad!


DIPUGA — Non Alquitran — Pilipino Star Ngayon

August 26, 2025 | 12:00am

BIGYAN pugay natin ang mga atletang Pinoy na nag-uwi ng karangalan sa Pinas nitong nagdaang mga araw. Magiging magandang ehemplo sila sa mga kabataan.

Ang tinutukoy ko mga kosa ay itong sina Miguel Archangel Cruz, Ronald Robles, Celedonio Tayao, Miguel Cruz,  Mary Bernadette Algarja, Cian Veedant Alonday, at Woman Grandmaster Janelle Mae Frayna. Sina Cruz, Robles, Tayao at Miguel ay mga miyembro ng Philippine Benchrest Shooting team na nag-uwi ng isang gold at limang bronzes sa shooting competition sa Finland.

Sina Algaria at Alonday ay nanalo ng gold at bronze, respectively, sa Singapore samantalang si Frayna ay sa chess tournament sa Abu Dhabi. Congrats sa inyong lahat! Hehehe! Hindi ko linya to ah?

Si Cruz ay anak ni Usec. Giberto Cruz, Executive Director ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC). Nanalo s’ya ng gold sa World Light Rimfire (Junior Division) at bronze naman sa World Heavy Rimfire Rifle.

Ang Philippine Team naman nina Robles, Tayao at Cruz ay nanalo ng bronze bunga sa outstanding performance nila sa Team Overalls. Ang Philippine delegation ay tumungo sa  Oulu, Finland upang sumali sa shooting competition na ginanap sa Ruutikangas Range noong Agosto 6 hanggang 16. Umabot sa 28 na bansa ang lumahok sa shootfest. Mismooo!

Ang delegasyon ng Pinas ay binubuo nina Ronald Robles, Jimmy Maniwang, Miguel Archangel Cruz, Ramon Diaz Jr, Celedonio Tayao, Richard Cases, Jose Maria Esteban, Vincent Troy Monte, Rosinee Monte, Valentin Miguel Lopez at Rafael Cruz. Hehehe! Magagaling pala ang mga shooters natin! Keep up the good work boys.

Marami pa kayong karangalan na ihahatid sa bansa. Pinangunahan ni Delia Quidato ang Philippine Team samantalang ang Coach ay si Maria Marcia Cleofas. Siyempre ang todo suporta sa kanila ay sina Usec. Cruz, Nathan Troy Monte at Rosinee Monte.  Mabuhay po kayong lahat!

“PAOCC extends its heartfelt congratulations to the shooting team for bringing pride to the Philippines on the global stage and showcasing discipline, precision, and excellence,” ani Cruz. Eh di wow!

Sina Algarja at Alonday naman ay dating mga taekwondo athletes ng alma mater kong Alimodian National ­Comprehensive High School, na sumali sa Grand Slam Youth League sa Singapore nitong Agosto 16-17. Nadomina ni Algarja ang miembro ng Johan Taekwondo Team ng Singapore sa back-to-back na enkuwentro at nasungkit n’ya ang gold medal.

Gamit ang kanyang signature axe kicks at roundhouse strikes, nakarehistro si Algarja ng score na 13-12 at 22-5. Ang galeng ano? “It was my first time to compete outside the country,” ani Algarja. “I felt happy and proud of myself as I was able to represent our country and won gold medal,” ang dagdag pa n’ya.

Samantala, ang paryente ko na si Alonday ay nanalo din ng bronze medal sa close call na 10-13, 10-9, at 8-9. Sayang no mga kosa? “The tournament really pushed our limits during training. It was tough, but it prepared us for what we faced at the Grand Slam Youth League,” ani Alonday. 

“I learned that I need to train more than usual to be more ready for more tournaments. Winning or losing, what matters most is my effort, discipline, and dedication to my sport,” ang giit pa ni Alonday. Palakpakan!

Samantala, si Frayna naman ay gumawa ng history matapos tanghaling champion ng Ladies Blitz category sa 31st Abu Dhabi International Chess Festival.

Hayan, mahirap tipakin subalit nakakatuwa at umaalagwa ang mga atletang Pinoy sa mga paligsahan sa abroad. Abangan!