Mga dahilan kaya masakit ang pag-ihi


1. UTI – Ang UTI o urinary tract infection ay ang pagdami ng bacteria sa kidneys o pantog. Ang sintomas ay masakit at madalas na pag-ihi, malabo at maamoy na ihi. Kung malala ang UTI puwede magka-lagnat at sumakit ang likod.

Magpa-Urinalysis. Ang gamot sa UTI ay antibiotics.

2. Cystitis – Impeksyon sa pantog tulad ng UTI. Ang sintomas ay masakit sa puson o sa may pwerta o ari. Masakit at madalas ang pag-ihi pero konti-konti lang ang labas ng ihi.

3. Kidney Stones o bato sa bato – Ang kidney stones ay kadalasan gawa sa calcium o uric acid. Sobrang sakit sa may singit. Parang madudumi ang sakit pero hindi naman dudumi. Mahapdi din sa pag-ihi. Minsan, kulay pink ang ihi dahil may dugo na sa ihi. Kumunsulta sa Urologist. Uminom ng 10-12 basong tubig bawat araw.

4. Yeast infection sa puwerta o vaginitis — May discharge sa pwerta na maamoy. Makati ang puwerta at may iritasyon sa balat. Puwede ring sumakit sa pag-ihi.

Ang gamutan ay vaginal suppository na reseta ng OB-Gyne.

5. Aktibidad tulad ng bisikleta, na-trauma at bagong ­panganak.

6. Impeksyon sa prostate o prostatitis sa lalaki – Ang STD ay isang dahilan ng prostatitis. Ang impeksyon ay galing sa bacteria. Ang sintomas ay masakit at hirap umihi, makirot sa pantog at ari, at madalas na pag-ihi lalo na sa gabi. Puwede rin mahirapang mag-ejaculate o malabasan ang lalaki. Ang gamutan ay antibiotics na reseta ng Urologist.

7. Ovarian cyst – Ang sintomas ay sobrang sakit ng puson lalo na ‘pag may regla. May abnormal na pagdurugo rin. Kumunsulta sa OB-Gyne.

8. Kung may allergy sa sabon, wipes, lotion at pang-hugas – Masakit sa balat sa may puwerta na may kasamang pamumula. Makati, may iritasyon sa maselang bahagi. Gumamit ng mild soap lamang.

9. Kanser sa pantog – Ang sintomas ay pamamayat, masakit ang likod at buto, manas at madalas at hirap umihi. Minsan may dugo sa ihi.

10. Ang mga sanggol ay umiiyak din kapag mahapdi ang kanilang pag-ihi.

Narito ang mga gagawin:

1. Magpa-urinalysis.

2. Tingnan ang kulay ng ihi. Dapat malinaw at light yellow ito.

3. Maligo palagi at maging malinis sa katawan.

4. Iwas sa pagkakaroon ng maraming partners at STD.

5. Uminom ng 8-12 basong tubig bawat araw.

6. Mag-ehersisyo ng regular.

7. Huwag magmadali sa pag-ihi. Relax lang ang posisyon.

8. Umihi muna bago matulog.

9. Sa mga bata, paalalahanan sila na pumunta sa banyo at umihi.

***

Kulay ng ihi

ANG ihi ay mula sa dugo na nasala sa kidneys. Bumababa ang ihi sa ureter at pupunta sa pantog. Ang ihi ay binubuo ng tubig, dumi tulad ng urea, asin tulad ng urates, ammonia, sobrang bitamina (B at C), mineral, protina (creatinine), taba, carbohydrates at gamot na tinatanggal sa katawan. Gusto natin na magandang kalidad ng ihi kasi ibig sabihin ay natanggal maigi sa katawan ang mga dumi.

Ang normal na dalas ng pag-ihi ay 7 beses sa loob ng 24 oras. Pero ang 4 to 10 ay ayos na rin. ang normal na dami o urine output kapag sinukat ay 800 ml hanggang 2000 ml per 24 oras. Uminom ng mga 2 litro o 8-10 baso ng tubig kada araw.

Kulay dilaw ang kulay ng ihi dahil galing ito sa pigment ng dugo.

Kapag kulay pula o may dugo sa ihi, posibleng may sakit na cystitis o impeksiyon sa pantog mula sa bacteria. May kasamang lagnat, masakit na puson, madalas umihi, at masakit paglabas ng ihi.

Ang kulay ng ihi ay depende sa tubig sa katawan. Kapag may puti ay posible na may nana o white cells o protina o taba. Pag kulay pink, pula o brown ay may dugo.

Kapag naging red o brown, maaring sobrang bilirubin mula sa atay, o umiinom ng gamot na rifampicin.

Kung kulay orange ay dehydrated, may sakit sa atay, o uminom ng gamot na primaquine, riboflavin, vitamin B2, o INH.

Nagiging blue o green ang kulay ng ihi dahil sa gamot, dye sa pagkain o food color, o sakit na familial benign hypercalcemia.

Meron din gassy urine o may kasamang utot (pneumaturia) kapag nagkaroon ng koneksyon sa bituka at pantog tulad ng fistula, o koneksyon sa pantog at puwerta mula sa panganganak.

May pagkakataon na may kakaibang amoy ang ihi tulåd ng amoy ammonia kapag may diabetes o kumain ng bawang, spinach, mushroom, kabute, truffle, at vitamin B6.