February 5, 2026 | 12:00am
1. Gallbladder stones – Kapag ang sakit ay nasa itaas ng tiyan at nasa kanan, ito ang puwesto ng gallbladder o apdo. Posibleng may bato sa apdo. Minsan ang sakit ay tumutugon sa bandang likod. Dumarating din ang sakit kapag nakakain ng mamantika at matatabang pagkain. Magpa-ultrasound ng tiyan para malaman kung may bato sa apdo o wala.
2. Ulcer – Kapag ang pananakit ay nasa itaas ng tiyan at nasa gitna o bandang kaliwa, ito ang lugar ng sikmura. Posibleng ulcer o hyperacidity ang sakit. Ang sakit na ito ay kadalasang nararamdaman kapag gutom. Nababawasan ang sakit kapag kumain ng saging o tinapay. Uminom din nang maraming tubig para mahugasan ang asido sa tiyan.
3. Kidney infection o stones – Kapag nasa may puson ang sumasakit at mahapdi ang pag-ihi, posibleng may impeksyon ka sa ihi o may kidney stones. Magpa-urinalysis para malaman ang sakit.
4. Appendicitis – Kapag nasa ibaba at kanan ang sakit, ito ang lugar ng appendix. Ang sakit na appendicitis ay nag-uumpisa sa may sikmura at pagkaraan ng dalawa at tatlong araw ay lumilipat sa kanang bahagi. Masakit ang lugar na ito kapag dinidiinan. Kumunsulta sa doktor.
5. Colic – Kapag paikut-ikot ang sakit at walang permanenteng lugar, ito ay marahil sa paghilab ng bituka. Ang tawag dito ay colic at hindi naman delikado. Maaaring nakakain ka ng maruming pagkain at magtatae ka lang.
6. Gastroenteritis – Kung mahilab ang tiyan at nagtatae, ito ay malamang dahil sa gastroenteritis o impeksiyon na nakuha sa panis o maruming pagkain. Uminom nang maraming tubig at kumain ng saging.
7. Sakit sa matris o obaryo — Kapag sa may puson ang sumasakit, posibleng nasa obaryo at matris ang problema. Puwede itong dysmennorhea, ovarian cyst o myoma.
8. Amebiasis – Kapag madalas kang dumumi at may bahid ‘to ng sipon at dugo, posibleng amebiasis ito. Magpasuri ng dumi sa laboratory.