Mga gagamit ng public toilet sa china, kailangang manood muna ng ads para makakuha ng toilet paper!


Ronniel Niko B. Halos — Pilipino Star Ngayon

September 12, 2025 | 12:00am

UPANG makakuha ng toilet paper sa ilang public toilet sa China, kailangan munang manood ng maiikling advertisement ang mga tao. Viral ngayon ang mga video na nagpapakita ng mga “smart toilet paper dispenser” na nag-oobligang gawin ito ng mga gumagamit.

Ang bagong sistemang ito ang pinakabagong hakbang ng China upang maiwasan ang pag-aaksaya ng toilet paper sa mga pampublikong lugar. Noong 2017, ipinakilala ang mga dispenser na may “facial scanner” na nagbibigay lamang ng 60-centimeter na toilet paper bawat siyam na minuto.

Noong 2019 naman, gumamit ng AI technology upang magbigay ng toilet paper tuwing 10 minuto sa bawat gumagamit.

Sa kasalukuyang sistema, ang isang user ay kailangan lamang mag-scan ng QR code gamit ang kanilang telepono at manood ng isang advertisement upang makakuha ng isang strip ng toilet paper.

Mayroon ding option na magbayad ng 0.5 yuan (humigit-kumulang ?4) para sa bawat strip.

Bagama’t layunin nito ang bawasan ang pag-aaksaya ng toilet paper, nagdudulot ito ng mga tanong. Paano kung kailangan mong gumamit ng banyo ngunit wala nang charge ang cell phone?

Ang sistemang ito ay nagpapakita nang ma­laking pagbabago sa pang-araw-araw na karanasan ng mga tao sa public toilet sa China.

Kailangang manood muna ng advertisement ang mga gumagamit ng toilet para makakuha ng toilet paper.