September 19, 2025 | 12:00am
BAKIT nga ba biglang nagliyab ang usapin sa flood control projects? Simple dahil sa wakas, mismong pinsan ng Presidente si Speaker Martin Romualdez ay napaalis sa puwesto. Hindi na kinaya ng taumbayan ang galit sa trilyong pisong pondo na winaldas sa guniguning proyekto.
Hindi ito tsismis. Hindi ito meme. Mismong si PBBM ang nagbulgar ng palpak, gumuhong flood control projects na parang itinayo lang para malusaw. Sa kanyang SONA, binaril na niya sa harap ng publiko. Sabi niya, “Mahiya naman kayo!”
Kung tutuusin, hindi na bago ang korapsyon sa DPWH. Pero kakaiba ngayon dahil mismong Presidente ang bumaba sa putikan para silipin ang ghost projects, bago pa makaporma ang mga senador at kongresistang mahilig magpapogi sa imbestigasyon.
At nang bumulaga ang listahan ng mga contractor na blacklisted at inalisan ng lisensiya, nagsimulang manginig ang mga buwaya. Nagpa-lifestyle check si PBBM, binulabog ang PCAB, at libu-libong reklamo ang agad hinimay. Ang resulta may mga opisyal na hindi na nakalusot, may mga anak ng kalihim na nabuking, at may mga magnanakaw na pinaghuhubaran ng kanilang luxury cars.
Hindi biro ang sinabi ni Sec. Vince Dizon: “Hindi tao ang mga korap sa DPWH. Mga hayop sila.”
At totoo naman. Kung hindi hayop ang mga iyan, bakit nila kayang magpatayo ng peke habang nilulunod ang madlang Pinoy sa baha at kahirapan? Kaya tama lang na bawiin lahat ng nakaw nilang yaman, ipasok sila sa kulungan, at gawing halimbawa ng Bagong Pilipinas.
Pero ito ang pinakamalupit: mismong si Romualdez pinsan ng Presidente hindi nakaligtas. Pinilit siyang bumaba. At dito natin nakikita na kung seryoso si PBBM, wala talagang sasantuhin. Kaya ang tanong ngayon kaya ba ng taumbayan na suportahan ang laban kontra korapsyon, o muli na naman tayong magiging bulag at pipi habang pinapakinabangan tayo ng mga buwaya? Sa puntong ito, malinaw: may tapang ang Presidente. Pero kung hindi magigising ang bayan, baka sa dulo, tuluy-tuloy pa ring maghari ang mga hayop sa gobyerno.
Disklaymer: Ang artikulong ito ay isang opinyong pampubliko, hindi opisyal na pahayag mula sa gobyerno o anumang ahensya. Layunin nitong ilahad ang galit at hinaing ng taumbayan laban sa korapsyon. Ang mga bansag na “buwaya” at “hayop” ay hindi literal na pagtukoy sa tao kundi paglalarawan sa asal na ganid at mapagsamantala. Ang pananagutan ay dapat itakda batay sa ebidensiya, imbestigasyon, at hustisya.