Mga pagkain na iiwasan kapag may gout


DOC WILLIE — Dr. Willie T. Ong — Pilipino Star Ngayon

January 21, 2026 | 12:00am

ANG sintomas ng gout ay ang matinding pamamaga at pananakit ng mga kasu-kasuan ng mga daliri ng paa, bukung-bukong (ankle) at tuhod.

Para malaman kung gouty arthritis ang sakit, kailangan suriin ang Uric Acid sa isang blood test.

Kapag mataas ang uric acid sa dugo, puwede itong mag-buo at pumunta sa iyong kasu-kasuan. Sobrang sakit ang pakiramdam sa gout.

Umiwas sa atay, bopis, batchoy, pale, lapay, bato, balunan, mga tusok-tusok na isaw ng baboy.

Umiwas din sa mga isda na alumahan, bangus, dilis, bisugo, matang baka, tamban, tanigi, tunsoy, tulingan.

Sa gout puwedeng kumain ng konti tulad ng dalagang bukid, galunggong, halaan, hasa-hasa,hipon puti, lapu-lapu, maya-maya, pusit, tahong, talaba, tilapya, tulya, tawilis, at monggo.

Kapag may gout, umiwas sa beer. Uminom nang maraming tubig para mailabas ang uric acid.

Panatilihin ang tamang timbang, iwasang tumaba. Umiwas sa matatamis na pagkain dahil bibigat ang timbang. Kapat bumigat ang timbang ay mas mapupudpod at mahihirapan ang mga kasu-kasuan.

Kapag inatake na ng gout, hindi na sapat ang pagdidi­yeta sa pagkain lamang. Kailangan ng maintenance na gamot para bumaba ang iyong uric acid levels sa dugo.

Sa oras ng pagsumpong ng gout, nagbibigay kami ng Col­chicine tablets, apat na beses sa maghapon.