Misis sa India, kinasuhan ang mister matapos matuklasang panot ito at naka-wig lang!


MGA KWENTONG WEIRD — Ronniel Niko B. Halos — Pilipino Star Ngayon

January 13, 2026 | 12:00am

DESIDIDONG ipa­kulong ng isang ginang sa Noida, Uttar Pradesh ang kanyang mister at mga biyenan matapos umano siyang­ “mabudol” ng mga ito bago pa man ang kanilang kasal noong January 2024.

Sa reklamong isi­nampa ni Lavika Gupta sa pulisya, iginiit niyang naging biktima siya ng deception dahil habang sila noon ay nasa “matchmaking stage” pa lamang ay ipinangako sa kanya ang isang lalaking may “makapal at healthy” na buhok.

Ngunit huli na nang madiskubre niyang panot pala ang mister na si Sanyam Jain at gumagamit lamang ng wig upang itago ang kanyang pagkakalbo.

Bukod sa isyu ng buhok, nabuking din ni Gupta na peke ang credentials ng lalaki na pinasa noon sa kani­lang matchmaker.

Sa biodata nito, nakasaad na Bachelor of Commerce graduate ito at kumikita ng Rs 18 lakh (1.1 million pesos), ngunit napag-alamang hanggang Class 12 (Senior High School) lamang ang natapos nito at nagsinungaling sa tunay na suweldo.

Mas bumigat pa ang kaso nang ibunyag ng misis na sinaktan siya ng mister habang nagbabakasyon sila sa ibang bansa at pinilit pa siyang magpuslit ng marijuana mula Thailand pabalik ng India.

Sa kasalukuyan, gumugulong pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad at wala pang pinal na hatol na ibi­na­baba ang korte.

Bagama’t agaw-atensiyon sa publiko ang reklamo tungkol sa peluka, mas seryosong tinututukan ng mga awtoridad ang mga alegasyong kriminal tulad ng fraud, physical assault, at ang tangkang drug smuggling, habang inaantabayanan ang pagharap ng magkabilang panig sa mga susunod na pagdinig.