December 26, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Isang tricycle driver ang nasawi habang 10 ang nasugatan sa salpukan ng dalawang tricycle at isang motorsiklo noong umaga ng Disyembre 23 sa Barangay Canlumampao, Toledo City, Cebu.
Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang tricycle na driver na si alyas “Yoyo”, residente ng barangay.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya na binabagtas ng dalawang tricycle ang kaparehong kalsada kung saan ang isa ay minamaneho ni alyas “Dodoy” na nasa unahan habang kasunod ang tricycle na minamaneho ni alyas “Yoyo”.
Tinangka umano ni Yoyo na mag-overtake at napunta ito sa kabilang linya na kung saan ay mabilis na parating ang isang motorsiklo na minamaneho ni alyas “Rene” at nagsalpukan na kung saan ay nasapol din ang tricycle na minamaneho ni Dodoy.
Nasugatan si Yoyo; isa niyang pasahero; Dodoy; lima niyang pasahero; Rene at dalawa nitong angkas.
Ang mga ito ay isinugod sa ospital na kung saan ay idineklarang dead-on-arrival si Yoyo habang ang iba ay patuloy na inoobserbahan pa.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing insidente at nagpaalala sa mga motorista na iwasan ang pag-overtake.
