September 27, 2025 | 12:00am
TUGMA ang pahayag ni ex-DPWH usec Bernardo sa pinahayag ni dating Bulacan District Engr. Henry Alcantara at Brice Hernandez na may 20 to 25percent ang perang napapasakanya nang aminin nito sa Senate Blue Ribbon Committee noong Martes. Inamin ni Bernardo ang kanyang maling ginawa at humingi ng kapatawaran sa mga ginawa niyang kabulastugan.
Sa kabila niyan, tumanggi naman sina Alcantara at Hernandez kaya ang nalalagay sa bingit nang alanganin ay si Bernardo. Maituturing na tsismis lamang ito dahil wala naman pang pruweba na si dating Senate President Chiz Escudero, Senator Jinggoy Estrada at Joel Villanueva ay may ibidensiya na tumanggap nga sila ng daang milyong piso mula sa flood control project anomaly.
Maging si dating senador Bong Revilla at Makati Mayor Nancy Binay ay nakinabang din umano sa partehan ng pondo mula sa DPWH. Ganyan na katalamak ang korapsyon sa bansa. Nagpapasasa sa perang galing sa buwis ng taumbayan.
Mahirap talagang walisin ang mga korap pamahalaan mula sa mambabatas hanggang sa mga Gabinete. Patuloy na nagtatakipan ang mga pulitiko sa baho ng bawat isa sa kanila.
Malalakas umano ang loob ngayon ng mga mandarambong dahil ang mga isinasangkot ay mga senador at kongresista. Pinasabog ni Bernardo na pinapartehan niya ng pera sina House Speaker Martin Romualdez at Congressman Zaldy Co.
Maging ang close in security ni Co ay nagpahayag na ilang beses siyang naghatid ng male-maletang pera na sa tantiya niya ay P48 milyon sa bahay nina Co at Romualdez.
Maging ang dalawang drayber ng DPWH ay nagsabing naghahatid sila ng pera sa gasoline station sa Fairview, Quezon City. May iba pa raw personalidad na ipatatawag upang makapagbigay ng testimonya hinggil sa mga naibulgar nina Bernardo, Alcantara at Hernandez .
Umiiwas naman si Blue Ribbon Committee chairman Sen. Panfilo Lacosn na magbanggaan ang senado at Kongreso kapag inobliga sina Romualdez at Co. May pasaring si Lacson na bukas ang kanilang committee sa agpapahayag ng kanilang karapatan upang malinawan ang bumabalot na anomalya. Palagay ko, maglulutangan at magsisingawan pa ang mga baho sa mga susunod na araw.