NAIA, hindi na pahirap? Bagong simula para sabiyaherong Pinoy


ORA MISMO — Butch M. Quejada — Pilipino Star Ngayon

February 20, 2026 | 12:00am

SA loob nang maraming taon, ang pangalan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ay madalas iugnay sa mahabang pila, siksikan, at aberya. Ilang beses nang may naghatid na kinakabahan baka ma-late. Ilang OFW ang halos maiyak sa stress bago pa man makalipad.

Pero ngayon, may unti-unting pagbabagong nararamdaman.

Sa ilalim ng pamamahala ni Ramon S. Ang o RSA, bossing ng New NAIA Infra Corp. (NNIC), inilunsad ang mga automated at biometric system para pabilisin ang daloy ng pasahero.

Sa NAIA Terminal 2, para sa mga lokal na biyahero ng: Phi­lippine Airlines, Cebu Pacific at AirAsia. Lahat ng domestic flights ay maaari nang gumamit ng Self Check-in kiosks.

Sa NAIA Terminal 3, sakop naman ang: Cebu Pacific (domestic at international), AirAsia (international), United Airlines (foreign passengers na walang visa requirement), Qatar Airways (lahat ng pasahero) at Air Canada (lahat ng pasahero).

Hindi mo na kailangang pumila nang matagal para lang mag-check in.

Mag-self check-in sa kiosk. I-print ang boarding pass at bag tag. Dumiretso sa Bag Drop at tumuloy sa automated security at boarding gates.

Ika nga, mas kaunting pila. Mas kaunting kaba. Mas ma­ayos na daloy.

Ang modernisasyong ito ay bahagi ng mas malaking layunin: itapat ang NAIA sa pamantayan ng malalaking pali­paran sa Asia, Middle East, at North America.

Hindi lang ito teknolohiya. Ito ay respeto sa oras ng Pilipino.

Hindi sapat ang bagong makina kung hindi tuluy-tuloy ang maayos na pagpapatupad.  Ang tunay na pagbabago ay mararamdaman kapag ang pasahero—OFW man, turista, negosyante, o estudyante ay hindi na dumaraan sa stress bago pa man makabiyahe.

Kung magtutuluy-tuloy ito, maaaring ito na ang simula ng bagong mukha ng NAIA. At kung mangyayari iyon, panalo ang bawat Pinoy na bumibiyahe.