Nambabarat na rice traders idedemanda ng gobyerno


MANILA, Philippines — Nagbabala ang Malakanyang sa mga mapagsamantalang rice trader na kakasuhan ng gobyerno sa sandaling mapatunayan na nagsasamantala at nambabarat sila sa presyo ng mga magsasaka.

Kasunod ito ng ulat na ginagawa umanong dahilan ng ilang tusong rice trader ang P20 per kilo rice para bilhin ng napakababang presyo ang palay ng mga lokal na magsasaka.

Sinabi ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro, na hindi dapat isinasangkalan ang P20 rice program dahil ang National Food Authority ang bumibili ng palay ng mga magsasaka sa patas na presyo.

Dahil dito kaya nanawagan si Castro sa mga magsasaka na nakakaranas ng pambabarat ng rice traders na magsumbong sa Department of Agriculture, DOJ, o DILG para maidemanda ang mga abusadong rice trader.

Ayon pa kay Castro, maaring basehan ito ng economic sabotage kaya huwag mag-atubili ang mga magsasaka na magsumbong sa mga ahensiyang nabanggit para maaksiyonan kaagad.