November 30, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Umukit ng kasaysayan ang National University Pep Squad matapos matagumpay na nadepensahan ang kanilang korona sa katatapos na UAAP Season 88 Cheerdance Competition na nilarga sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City kahapon.
Nirehistro ng NU ang record-breaking ninth crown matapos nilang mapa-impres ang mga hurado at ang 20,129 fans na nanood ng live sa nasabing venue, nabigyan sila ng mataas na 695 points.
Kumalas ang NU Pep Squad sa University of Sto. Tomas Salinggawi Dance Troupe at University of the Philippines Pep Squad na may tig-walong kampeonato.
Nasilayan sa NU Pep squad ang ninja-themed routine at mga makapigil-hiningang stunts na halos mapa-angat sa kinauupuan ang mga nanood.
Nakopo ng Adamson Pep Squad ang first runner-up sa nilistang 659 points at third placer ang Far Eastern University Cheering Squad na may 658.5 puntos.
Ipinakita ng mga koponan ang kanilang husay at kitang kita na bigay todo ang lahat, kung kaya naman matagal bago na desisyunan ng mga hurado kung sino ang nagwagi at pumasok sa Top 3.
