MANILA, Philippines — Nabawasan ng lakas ang Magnolia sa paglayas ni William Navarro para maglaro sa Korean Basketball League (KBL).
Kahapon ay pormal na pumirma ang 6-foot-6 forward sa Busan KCC Egis na nag-iwan ng butas sa opensa at depensa ng Hotshots ng bagong head coach na si LA Tenorio.
Nauna nang lumagda si Navarro sa Seoul Samsung Thunders sa KBL noong 2022 ngunit hindi siya nakalaro dahil sa contractual obligations sa Gilas Pilipinas.
Dahil dito ay naglaro siya sa NorthPort ng dalawang taon at nagposte ng mga averages na 15.2 points, 8.5 rebounds at 1.5 assists sa nakaraang Season 49 PBA Philippine Cup.
Ibinigay ng Batang Pier ang dating Ateneo Blue Eagles forward sa Hotshots kapalit ni veteran forward Calvin Abueva kasama si Jerrick Balanza at isang Season 51 second-round draft pick.
Ang 28-anyos na si Navarro ang ikatlong sunod na PBA player ngayong taon na lumipat sa ibang liga matapos sina scorer Arvin Tolentino ng NorthPort at Fil-Am flying forward Jamie Malonzo ng Barangay Ginebra.
Maglalaro si Tolentino para sa Seoul SK Knights sa KBL, habang sasalang si Malonzo para sa Kyoto Hannaryz sa Japan B.League.
Ang iba pang naglalaro sa ibang liga ay ang magkapatid na Kiefer at Thirdy Ravena, Dwight Ramos, Carl Tamayo, Bobby Ray Parks, Jr., Kobe Paras, Matthew Wright at Rhenz Abando.