Ni-rape na cockpit teller sa Batangas, namatay na!


Sumakabilang buhay na si Emielle Hernandez ang teller ng sabungan sa Batangas na ni-rape ng police blogger na si SMS Timothy Joseph “Teejay” Virtucio. Hindi pa malaman ng pulisya ang cause of death ni Hernandez dahil hindi pa nagbibigay ng dokumento ang University of Santo Tomas hospital dahil may nakabinbin pang utang na aabot sa P600,000.

Kinumpirma ni PRO4-A Brig. Gen. Paul Kenneth Lucas na hindi nag-release ng papeles ang ospital kaya wala pang klaro kung ano ang ikinamatay ni Hernandez. “Hinihintay pa namin ang resulta ng death certificate ng UST nang sa gayon ay matantiya namin kung anong kasong kriminal ang isa­sampa namin sa suspect,” sabi ni Lucas.

Samantala si Virtucio naman ay nasa-custody ng Cala­barzon police at ang administrative case nito ay gumagana na ayon kay Lucas. Hehehe! Kailangan pa bang i-memorize ‘yan?

Bago pumanaw si Hernandez noong nakaraang linggo, nakatanggap si Lucas ng report na nag-improve na ang condition nito. “Nakakausap na raw siya kaya’t hinihintay namin na tuluyang gumaling siya bago makuha namin ang statement niya para maging giya sa pagsampa ng kaso laban sa suspect,” ani Lucas.

Kaya nagulat si Lucas nang mabalitaan na namatay na si Hernandez. Ayon kay Lucas ang lahat ng papeles na hawak nila, kasama ang statements ng tatay at asawa ni Hernandez ay ipinasa na nila sa prosecutor’s office para mapag-aralan ang kasong isasampa laban kay Virtucio.

Subalit hanggang kahapon, wala pang pagbabago sa criminal aspects ng kaso, ayon kay Lucas. Sinabi naman ng kosa kong abogado na hindi na uubra ang kasong rape laban kay Virtucio dahil namatay na si Hernandez na sana’y magiging complainant sa kaso. Araguyyy! Ang sakit sa bangs nito!

Matatandaan na si Hernandez, na teller ng Mr. Nice Guy Cockpit Arena sa Batangas, kasama ang asawa at abogado­, ay nagsadya sa San Jose police station noong Enero 9 upang ireklamo ng rape si Virtucio, ang police blogger na nagpabantog ng salitang, “Sayang ang Tattoo.”

Ayon sa voluntary statement ng asawa, dinala niya sa iba’t ibang ospital si Emielle sa Lemery mula noong Decem­ber 26 dahil sa masama ang pakiramdam nito. Subalit nang ma­kausap ng psychiatrist sa Mary Mediarix ospital sa Lipa City doon niya ibinulgar na ginalaw siya ni Virtucio. Aniya, pinainom siya ng sex drugs bago halayin sa “kennel farm” ng suspect sa Bgy. Banay-Banay, Lipa City.

Nang rebisahin ng asawa ang messenger’s account ni Emielle, nabungaran niya ang malisyosong text messages at hubad na litrato ni Virtucio. Sanamagan! Ano ba ‘yan? Hehehe! Ambot sa kanding nga may bangs!

Ang pag-imbestiga ng kaso ni Hernandez ay kaagad na na-takeover ni Batangas provincial director Col. Jack Malinao. Mula nang madawit siya sa kaso, itinigil muna ni Virtucio ang kanyang sideline na blogging.

Kung sabagay, sinabi ni kosang Ronald Adlawan na may planong mag-avail ng optional retirement si Virtucio at papasok sa pulitika sa 2028. Kaya lang tinamaan siya ng delubyo! Abangan!