No. 1 spot inangkin ng Cool Smashers


Russell Cadayona — Pilipino Star Ngayon

February 21, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Ibinunton ng nagdedepensang Creamline ang galit sa Galeries Tower matapos hatawin ang 25-15, 26-24, 25-19 panalo sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference kahapon sa PhilSports Arena sa Pasig City.

Bumangon ang Cool Smashers mula sa kauna-unahang kabiguan sa PLDT High Speed Hitters para sa kanilang 10-1 record.

Humataw si Alyssa Valdez ng 16 points mula sa 15 attacks at isang block para sa pagbulsa ng PVL Grand Slam champions sa No. 1 spot sa knockout phase katapat ang uupo sa No. 12.

“It was a good game from both sides but I think at the end nag-work iyong mga basics namin and we really worked hard on our system these past few days and thankfully nanalo kami today,” sabi ng 31-anyos na veteran outside hitter.

May 18 markers si Tots Carlos habang nagdagdag sina Bea De Leon, Jema Galanza at Pangs Panaga ng pinagsamang 16 points.

Bagsak ang Highri­sers sa ikaanim na dikit na kamalasan para sa 1-10 baraha.

Makakasagupa ng Creamline sa qualifying round ang pupuwesto sa No. 12 na maaaring isa sa Galeries Tower, Capital1 Solar Energy (1-10) at N­xled (1-9).

Matapos dominahin ang first set, 25-15, ay nahirapan ang Cool Smashers sa second frame kung saan kinuha ng Highrisers ang 19-11 bentahe sa likod ni Ysa Jimenez.

Isang 15-5 atake ang inilunsad nina Valdez at Carlos para sa 26-24 pagtakas ng Creamline at iwanan ang Galeries Tower sa 2-0.

“Everytime na nagta-timeout talaga siya (coach Sherwin Meneses) he would ask us to get one point at a time lang. It just so happened na nagkataon na siguro the momentum switched on our side. Luckily we finished it,” ani Valdez.

Pinamunuan ni middle blocker Roselle Baliton ang Galeries Tower sa kanyang 10 points habang may tig-anim na marka sina Jimenez, Jho Maraguinot at France Ronquillo.