No visa, no entry | Pilipino Star Ngayon


PRESS ROW — Abac Cordero — Pilipino Star Ngayon

November 23, 2025 | 12:00am

May problemang hinaharap ni Carl Tamayo ng Gilas na kumakatok sa pintuan ng Guam para mabig­yan ng visa.

Walang US visa si Tamayo, ang matinik na 24-year-old na dating player ng UP. At ‘yun ang kailangan para makasokpa ka ng Guam.

Kailangan ng Gilas si Carl dahil swak sa international play ang style. Bukod dyan, malaking player na maraming roles ang kayang gampanan.

Kasalukuyang naghahanda ang Gilas para sa FIBA World Cup Asian Qualifiers at una silang sasabak kontra Guam, sa Guam, sa Nov. 28.

Then, isang game pa sila sa Dec. 1 dito naman sa Ateneo Gym sa Katipunan. Importante ang games kontra Guam na pangungunahan ni Jericho Cruz ng San Miguel Beer.

Sabi ni coach Tim Cone, kung dehins natin kaya lusutan ang Guam, na world No. 81, eh kalimutan na natin umabot sa 2027 FIBA World Cup sa Qatar at sa 2028 Los Angeles Olympics.

Nasa No. 37 ngayon ang Pinas sa FIBA rankings kaya on paper eh llamado tayo. Kasama din ng Pinas ang New Zealand (No. 25) at best friend na Australia (No. 6) sa Group A.

May apat na groups at top three lang ang aabot sa next window. Kaya must win ang games vs Guam.

Malakas ang 18-man pool ng Gilas kasama ang usual suspects Justin Brownlee, June Mar Fajardo, Chris Newsome, Scottie Thompson at CJ Perez. Kasama din si Kevin Quiambao at Dwight Ramos sa pool bago ito maging Final 12.

Pero big help si Carl Tamayo kung makakakuha siya ng visa.

Baka pwede tayo humingi ng tulong kay Donald Trump.