NU hahatawin ang semis berth sa pagsagupa sa Beda sa SSL


Elech Dawa — Pilipino Star Ngayon

October 21, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Pakay ng apat na koponang may hawak na ‘twice-to-beat’ advantage na tapusin kaagad ang katunggali sa quarterfinals ng 2025 Shakey’s Super League (SSL) Preseason Unity Cup sa San Andres Gym sa Manila.

Kakana ngayong alas-10 ng umaga ang three-time defending champion at unbeaten National University kontra sa San Beda University.

Hinawakan ng Lady Bulldogs ang top seeding sa Pool E para masiguro ang incentive ma­tapos ang three-game sweep sa se­cond round ng torneong katuwang ang Shakey’s Pizza Parlor, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner at R and B Milk Tea.

Kahit bawas ang armas ng NU dahil hindi naglalaro sina Sam Cantada at Denesse Daylisan na kasama ng national team sa 2025 Asian Youth Games sa Bahrain ay nanatili pa rin ang tikas ng koponan.

Ipaparada ng Lady Bulldogs sina Vange Alinsug, Chams Maaya, Lams La­mina at Alexa Mata para ta­­patan ang Pool F No. 4 Lady Red Spikers na itatapat sina Angel Habacon at Janelle Bachar.

Isang panalo lang din ang kailangan ng Pool F topnotcher University of Santo Tomas pagharap sa No. 4 sa Pool E Ateneo de Manila University sa alas-12 ng tanghali sa event na suportado ng Asics, Mikasa, Smart Sports, Summit, Team Rebel Sports, Belo Deo, Eurotel- Apo View Hotel, Batangas Country Club, Executive Optical, Baic Auto Philippines, SM Tickets at PusoP.com bilang technical partners.