NU sinikwat ang twice-to-beat sa quarterfinals


Elech Dawa — Pilipino Star Ngayon

October 16, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Nagtulungan sa opensa sina Chams Maaya at Josline Salazar upang trangkuhan ang defen­ding champion National University sa 25-22, 25-17, 25-17 panalo kontra Ateneo de Manila University sa second round ng 2025 Shakey’s Super League (SSL) Preseason Unity Cup na nilaro sa San Andres Gym sa Manila kahapon.

Tumikada sina Maaya at Salazar ng tig-10 points para sa Lady Bulldogs na winalis ang lahat ng nakatunggali sa Pool E at hawakan ang top spot kaya nakasiguro ng quarterfinals twice-to-beat advantage.

Wala pa rin bahid ang karta ng NU sa anim na laro kasama ang group stage sa tournament na katuwang ang Shakey’s Pizza Parlor, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner at R and B Milk Tea.

“Ang motivation naming lahat ay dapat maganda ang performance and all out kami kasi if ever may two days kaming pahinga. Pahinga talaga ang kaila­ngan namin ngayon kaya all out talaga kami as a team ngayon,” ani Maaya.

Makakalaban ng Lady Bulldogs sa crossover quarters ang fourth-ranked squad sa Pool F sa tournament na suportado ng Asics, Mikasa, Smart Sports, Summit, Team Rebel Sports, Belo Deo, Eurotel- Apo View Hotel, Batangas Country Club, Executive Optical, Baic Auto Philippines, SM Tickets at PusoP.com bilang technical partners.

Kumana si Ana Hermosura ng walong puntos para sa Ateneo, mapapanood ang liga sa live and on demand via PusoP.com at Solar Sports.