October 26, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Puntirya ng defending champion National University at University of Santo Tomas na tapusin ang agad ang kanilang mga katunggali sa semifinals upang maikasa nila ang title showdown sa 2025 Shakey’s Super League (SSL) Preseason Unity Cup na lalaruin sa Ninoy Aquino Stadium ngayon.
Haharapin ng four-peat-seeking NU ang FEU sa alas-3 ng hapon habang katapat ng UST ang tigasing Adamson sa alas-5 ng hapon sa event na katuwang ang Shakey’s Pizza Parlor, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner at R and B Milk Tea.
Parehong hawak ang twice-to-beat advantage matapos sikwatin ang top seeding sa kanilang grupo sa second round, namumuro ang NU at UST sa muling pagtatapat sa finals.
Nagharap sila noong 2023 finals sa tournament na suportado ng Asics, Mikasa, Smart Sports, Summit, Team Rebel Sports, Belo Deo, Eurotel- Apo View Hotel, Batangas Country Club, Executive Optical, Baic Auto Philippines, SM Tickets at PusoP.com bilang technical partners.
Best-of-three ang bakbakan sa finals sa liga na mapapanood sa live and on demand via PusoP.com at Solar Sports.