Nuke plant sa Pangasinan, pag-isipan nang maraming beses


GO NORTH — Artemio Dumlao — Pilipino Star Ngayon

October 12, 2025 | 12:00am

Ang mungkahing pagtatayo ng nuclear plant sa Labrador, Pangasinan ay ibinabanderang hakbang tungo sa mas mura at mas matatag na enerhiya.

Sa harap ng mataas na singil sa kuryente at tumataas nitong demand, nakikita ang nuclear na alternatibong solusyon.

Ngunit bago mahulog sa pangako ng murang pagmumulan ng enerhiya, kailangang pagtuunan ng pansin ang mga kaakibat nitong panganib.

Bagama’t sinasabing ang lokasyon sa tabi ng Lingayen Gulf ay ideal dahil sa access sa tubig para sa cooling system ng itatayong planta, hindi nito tinatanggal ang panganib ng tsunami, storm surge, at pagtaas ng lebel ng dagat.

Ang Pilipinas ay nasa Pacific Ring of Fire — isang rehiyon na madalas tamaan ng lindol. Hindi sapat ang kakulangan ng datos ng pamahalaan upang sabihing ligtas ang lugar. Kaila­ngang masusing pag-aralan ang mga fault lines at panganib dulot ng mga lindol.

Ang mga epekto sa kapaligiran ay hindi rin dapat bale­walain sa pagpapanukala sa nuclear energy.  Ayon mismo sa siyensiya, ang init mula sa planta ay maaaring makaapekto sa marine life ng Lingayen Gulf.

May panganib din sa pagtatapon at imbakan ng radio­active waste—isang usaping hindi pa lubos na napaghandaan ng bansa.

Bagama’t may bagong batas na lumikha ng ahensyang PhilATOM para sa regulasyon, kakailanganin nito ng sapat na tauhan, pondo, at kakayahang teknikal upang masigurong ligtas ang pagpapatakbo ng planta.

Bago isulong ang proyekto, dapat magkaroon nang ma­lawak, independiyenteng pagsusuri—kasama ang mga eks­perto upang masigurado ang kaligtasan ng mamamayan at kalikasan.

Kailangang ipahayag sa publiko ang lahat ng datos: geo­hazard maps, environmental impact studies, at evacuation plans.

Tunay na may potensiyal ang nuclear energy, ngunit hindi dapat isantabi ang mga panganib, lalo’t nuclear na ang pi­nag-uusapan.

Maging aral sana sa ang mga trahedyang nangyari sa iba’t ibang bansa: (Chernobyl sa Ukraine, 1986; Fukushima Daiichi sa Japan, 2011; at Three Mile Island, Pennsylvania U.S.A., 1979).

Hindi dapat manaig ang pangako ng murang kuryente sa katotohanang buhay at kalikasan ng Pilipino ang nakataya.

* * *

Para sa komento, i-send sa: [email protected]