Matapos umanong‘pinalaklak’ ng BF
MANILA, Philippines — Patay ang isang 21-anyos na nursing student matapos na uminom ng illegal ecstasy drugs sa lungsod ng General Santos City, ayon sa ulat kahapon.
Sa report ng General City Police, naghinala ang ina ng biktima na ang ecstasy pill, isang uri ng droga na ang overdose ay nakapipinsala ng utak at puso ay ipinainom dito ng kaniyang boyfriend at kaibigan.
Base sa salaysay ng ina ng biktima ang kaniyang anak ay dumalo sa on the job (OJT) 0 training sa Davao mula Pebrero 7-21, pero dahilan sa nakaranas ito ng halusinasyon o pagdidiliryo, seizures, at kakatwang pag-uugali ay naalarma ang kaniyang pamilya.
Dahil dito ang biktima ay inihatid ng kaniyang boyfriend na tinukoy lamang sa pangalang Adrian sa kanilang tahanan sa General Santos City na hindi na tinapos ang kaniyang OJT.
Gayunman sa loob ng ilang linggong pananatili ng dalaga sa kanilang bahay kasama ang kaniyang pamilya ay mistulang takot na takot at madalas nagsisigaw na binabanggit ang mga katagang ecstasy drug.
Hanggang sa tuluyan nang manghina ang biktima at masawi sa insidente na hinihinalang dulot ng pag-inom nito ng ecstasy drug. Kaugnay nito, hiniling maman ng pamilya ng dalaga ang tulong ng National Bureau of Investigation (NBI) para maisailalim sa awtopsiya ang bangkay ng biktima upang mabatid kung ano talaga ang ikinasawi nito.
Nabatid pa sa mga health experts na ang sobrang pag-inom ng ecstasy ay nakakaadik, nagdudulot ng seryosong sakit na posibleng ikamatay ng sinumang gumagamit nito kapag nagkaroon ng kumplikasyon. Patuloy ang imbestigasyon sa kasong ito.
