September 21, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Puntirya ni two-time Olympian EJ Obiena na masungkit ang gintong medalya sa harap ng mga kababayan nito sa World Pole Vault Challenge na hahataw ngayong araw sa Makati.
Nakatakdang magsimula ang programa sa alas-2 ng hapon kung saan walong foreign pole vaulters ang makakasagupa ng world No. 7 na si Obiena.
Hindi masisilayan sa aksyon si reigning world champion, world record holder at Olympic gold medalist Armand Duplantis ng Sweden na sariwa pa sa pagtarak ng panibagong world record na 6.30m sa World Championships sa Japan.
Subalit nananatiling matindi ang laban sa Makati event dahil sa presensya ng mga world-rated players gaya ni world No. 5 Ersu Sasma ng Turkey at world No. 6 Menno Vloon ng Netherlands.
Aarangkada rin sina world No. 12 Thibaut Collet ng France, No. 13 Ben Broeders ng Belgium, No. 14 Austin Miller ng Amerika, No. 15 Piotr Lisek ng Poland, No. 16 Oleg Zernikel ng Germany at No. 23 Matt Ludwig ng Amerika.
Hindi maganda ang season na ito para kay Obiena matapos mabigo sa ilang torneong nilahukan nito.
Pinakasariwa ang pagsabak nito sa World Championships sa Japan kung saan bigo itong makapasok sa final round.
