August 27, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Sa gitna ng mga reklamo at imbestigasyon hinggil sa umano’y maanomalyang flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH), nadadawit din ngayon sa kontrobersiya si Occidental Mindoro Governor Eduardo Gadiano.
Kamakailan ay lantaran ang pagbubunyag ng gobernador sa umano’y substandard na flood control projects sa kanyang lalawigan.
Sa pahayag ni Gadiano, may ilang istrukturang mahina ang pagkakagawa dahil kulang sa materyales at maayos na plano, at hinikayat pa nito ang Senado na magsagawa ng imbestigasyon sa mga iregularidad.
Subalit sa dokumento na nakalap ng Pilipino Star Ngayon, lumutang ang mga datos na umano’y nag-uugnay kay Gadiano na mismong pagpapanukala nito ng pondo para sa mga nasabing proyekto.
Sa isang liham na may petsang Enero 27, 2025, na ipinadala kay dating DPWH Undersecretary Roberto R. Bernardo sa pamamagitan ni Engr. Gerald A. Pacanan, Regional Director ng DPWH MIMAROPA, si Gadiano mismo ang humiling ng pondo para sa mahigit 70 flood control at road projects sa Occidental Mindoro.
Kabilang sa listahan ang mismong mga proyekto na kinalaunan ay kinondena ng gobernador, tulad ng mga flood control structures sa bayan ng Sablayan at Rizal na kanya pang iniinspeksyon at tinuligsa dahil umano sa depektibong disenyo at pagkakagawa.
Bagama’t itinanggi ni Gadiano ang pagkakasangkot at iginiit na hindi nakipag-ugnayan ang DPWH sa lokal na pamahalaan, malinaw na taliwas dito ang mga opisyal na dokumentong nakuha ng media.