Ordiales umaasang mapapasama sa Alas roster sa FIVB Worlds


Russell Cadayona — Pilipino Star Ngayon

September 1, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Para kay Leo Ordiales, isa nang malaking karangalan ang maging miyembro ng Alas Pilipinas Men.

Naging bahagi ang 22-anyos na opposite hitter ng national training pool noon pang nakaraang taon bilang paghahanda sa FIVB Men’s Volleyball World Championship Philippines 2025.

Nakasama rin si Ordiales sa three-country training camp ng Alas Men sa Morocco, Romania at Portugal kung saan siya nakakuha ng leksyon kina veteran wingers Bryan Bagunas, Marck Espejo at Steven Rotter.

Isa ang pambato ng National University Bulldogs sa 21 hopefuls na nagnanais mapabilang sa Alas Pilipinas Final 14 na isasabak sa 32-nation world championship sa Setyembre 12 hanggang 28 sa SM Mall of Asia Arena at Smart Araneta Coliseum.

Ayon sa 6-foot-6 na si Ordiales, ang maikunsidera lamang sa final roster ay isa na sa kanyang mga pangarap.

Kaagad makakatapat ng mga Pinoy spikers ang Tunisia sa pagbubukas ng world championship sa Setyembre 12 sa SM Mall of Asia Arena tampok ang K-pop group BOYNEXTDOOR at si Cebuana singer-songwriter-actress Karencitta sa opening cere­mony.

Mabibili ang tiket sa world championships sa online via official website sa www.philippineswch2025.com.