Ouano kampeon sa International 9-Ball Open


Chris Co — Pilipino Star Ngayon

November 11, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Nasungkit ni Pinoy cue master Genesis Ouano ang korona sa Bojue Inter­national 9-Ball Open na ginanap sa Indonesia Convention Exhibition ICE BSD City sa Jakarta, Indonesia.

Naisakatuparan ito ni Ouano matapos itakas ang pahirapang 9-8 pa­nalo laban kay veteran cue master James Aranas sa all-Filipino championship showdown.

May tsansa na sana si Aranas na makuha ang panalo ngunit minalas ito matapos ma-scratch sa kanyang break.

Sinamantala naman ito ni Ouano.

Hindi ininda ni Ouano ang kaba nang unti-unti nitong ubusin ang bola para matamis na angkinin ang panalo.

Naibulsa ni Ouano ang $18,300 premyo o katumbas ng mahigit P1 milyon.

Hindi naman uuwing luhaan si Aranas na nagkasya sa $7,400 runner-up purse o mahigit P400,000.

Ito ang unang korona ni Ouano sa international arena at umaasa itong ma­susundan pa ito sa kanyang mga susunod na torneong lalahukan.

“My first champion in international billiards, I hope it continues, thank you Lord for the blessing and thank you also to my wife and family who have supported me tirelessly,” ani Ouano sa kanyang post sa social media.

Sa kabilang banda, hindi naman pinalad si reigning World 9-Ball champion Carlo Biado sa River City Open na ginanap sa Jacksonville, Florida.

Lumasap si Biado ng 4-11 kabiguan sa kamay ni Christoper Tevez ng Peru sa kanilang semis match upang tuluyan nang mamaalam sa kontensiyon.