P1-P2 rollback sa petrolyo asahan


MANILA, Philippines — Asahan ang malaking tapyas sa presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo kasunod ng paghupa ng tensyon sa pagitan ng Israel at Iran.

Bababa sa posibleng P1.00 hanggang P1.40 sa kada litro ng gasolina, P1.60 hanggang P2.10 sa bawat litro ng diesel, at P2.00 hanggang P2.20 naman sa kerosene.

Ang pagbaba ng presyo ng langis, ayon kay Department of Energy-Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela Romero, ay batay sa naging pagtaya ng Mean of Platts Singapore, ang batayan sa pagtatakda ng presyo ng refined petroleum products sa Southeast Asia.

Nauna nang sinabi ni DOE officer-in-charge Sharon Garin na ang average na presyo ng krudo ay naobserbahang bumaba matapos ipahayag ni Trump na may ceasefire sa pagitan ng Israel at Iran.

Una nang nagpatupad ng 2 tranche ng big-time oil price hike ang mga lokal na kumpanya ng langis sa bansa sa pakiusap na huwag biglain ang mga consumer sa maling adjustment sa presyo.

Ang mga pangunahing kumpanya ng petrolyo ay nagtaas ng presyo kada litro ng gasolina ng P1.75, diesel ng P2.60, at kerosene ng P2.40, simula alas-6 ng umaga noong Martes, Hunyo 24, 2025.

Ang parehong pagtaas ng presyo ay ipinatupad nitong Huwebes, Hunyo 26, na sumasalamin sa ikalawang tranche ng adjustment.