February 27, 2026 | 12:00am
MANILA, Philippines — Umiskor ang mga operatiba ng pulisya kasunod ng pagkakasamsam sa mahigit P22 milyong halaga ng marijuana sa isinagawang anti-drug operation sa Tabaaw sa Poblacion, Kibungan, Benguet, ayon sa ulat kahapon.
Sa report ng Cordillera Provincial Police Office (PPO), nasa 190,000 gramo ng pinatuyong marijuana stalks at mga dahon nito ang nadiskubre sa nasabing bulubunduking bahagi ng nasabing lugar.
Ayon sa mga awtoridad, tatlong sites ng plantasyon ng marijuana sa lugar ang kanilang nadiskubre sa at nakumpiskahan ng mga pinatuyong dahon nito at marijuana stalks.
Nakumpiska sa unang plantasyon ang nasa 70,000 gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana habang sa ikalawang site ay 100,000 gramo at ang ikatlong site naman ay 20,000 gramo.
Agad namang sinilaban ng mga operatiba sa kakahuyan ang bulto ng mga marijuana stalks at pinatuyong dahon nito habang kumuha lamang ng mga samples para maisailalim sa laboratory examination ng Regional Forensic Unit-Cordillera.
Samantalang wala namang nasakoteng sinumang marijuana cultivator sa nasabing mga plantasyon.
Kaugnay nito, patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa kasong ito upang masakote ang mga nasa likod ng ni-raid na plantasyon ng marijuana.
