P349 milyong counterfeit Crocs footwear Samsam


MANILA, Philippines — Umaabot sa P349 milyong halaga ng mga pekeng footwear o mga sandals ng Crocs at mga manufacturing equipment ang nakumpiska ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa isinagawang magkahiwalay na operasyon sa lalawigan ng Pampanga, ayon sa ulat kahapon.

Sa report ni CIDG Director Major Gen. Robert Morico II, nagsagawa ng operasyon ang Pampanga Provincial Field Unit operatives kasama ang mga kinatawan mula sa footwear company ng Crocs Inc. sa dalawang bodega ng Golden Hojia Industrial Compound sa Bgy. Balucuc, Apalit kamakailan.

Ang operasyon ay sa bisa ng dalawang search warrants na inisyu ng korte laban sa dalawang bodega na pag-aari ng tiwaling negosyante.

Bago ang operasyon, nakatanggap ng report ang mga operatiba hinggil sa talamak na pagbebenta ng mga pekeng produkto ng Crocs na iniimbak sa naturang mga bodega.

Nakumpiska sa operasyon ang nasa 1,166 kahon ng pinekeng trademarks ng Crocs footwear at apat na units ng heavy machine, sari-saring mga paraphernalia at iba pang kagamitan na gamit sa paggawa ng pekeng produkto.

Binigyang diin ng opis­yal na bahagi ng polisiya ng estado na protektahan at tiyakin ang seguridad sa ekslusibong karapatan, intellectual property at paglikha ng mga produkto ng mga orihinal na may-ari nito laban sa pamemeke.