September 7, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Nilinaw ni Navotas Congressman Toby Tiangco na walang anumang insertion o pagsingit ng P529 million para sa problema sa baha sa kanilang lungsod dahil iyon ay ang halagang aprubado ng dalawang kapulungan ng Senado at Kamara sa panahon ng deliberasyon ng pambansang pondo.
“I could not have made any insertion kasi hindi ako member ng Bicam. P529-M was the amount approved in the Bicam from the requests for additional funding for Navotas. All I can do is make a request and the Bicam decides,” sabi ni Tiangco.
Sagot ito ni Tiangco sa alegasyon ni Ako Bicol partylist Rep. Alfredo Garbin ukol sa mahigit P500 milyon pondong inilaan para sa Navotas kaugnay sa lumalalim na imbestigasyon sa flood control scandal.
Apela ni Tiangco kay Garbin, huwag ilihis ang isyu dahil hindi ito matatanggap ng mga mamamayang nagbabantay sa imbestigasyon sa paglustay at pagkawala ng pondo para pigilan ang pagbabaha.
“So hindi ba mas lalong nakapagtataka kung bakit si Zaldy Co was able to insert P13,803,693,000 to some districts that did not even ask for it? Dagdag pa dito papaanong nakapag-insert ang Ako Bicol partylist ng P2,295,000,000 at ang BHW naman ng P2,064,000,000 samantalang ang limit ng ibang partylists ay P100 to P150 million lang?” tanong pa ng Navotas solon.
“Navotas lies downstream of the Tullahan River and is below sea level during high tide. Ibig sabihin, ang tubig ng high tide mula dagat at ilog ay mas mataas kaysa sa lupa ng Navotas. Therefore, flooding is really the number one issue that needs to be addressed. Napaka-importante ng flood control projects dahil apektado ng baha ang maraming aspeto ng buhay—kaligtasan, kalusugan, kabuhayan, edukasyon, at negosyo ng bawat Navoteño,” sabi pa ng kongresista.
Ani Tiangco, hiniling niya ang pondo sa national government para talaga sa flood control projects ng Navotas na palagi naman binabaha subalit ang mga ito ay lehitimong nagamit kung kaya malaki na rin ang pagbabago sa problema ng lungsod sa pagbabaha.
