P5K multa sa maling pagtatapon ng basura!


Ludy Bermudo — Pilipino Star Ngayon

August 22, 2025 | 12:00am

Metro Manila mayors pikon na

MANILA, Philippines — Multang P5,000 ang isinusulong ng presidente ng Metro Manila Council (MMC) sa sinumang mahuling nagtatapon ng basura sa mga ilog, estero, drainage at kanal.

Sinabi ni MMC President at San Juan Mayor Francis Zamora, na sa pamamagitan ng mataas na multa ay mas mararamdaman ng mga susuway ang bigat ng naging kapalit ng maling pagtatapon ng basura lalo na sa mga mamamayan na ginagawang basurahan ang mga ilog.

“Kung hindi nara­ramdaman ng tao ‘yung multa, pakiramdam ng tao ay puwede ko naman ulit-ulitin ang pagtapon ng basura dahil siguro pakiramdam nila hindi ganun kalaki. Makakalusot sila,” aniya.

Nasa mindset na aniya ng mga walang disiplinang mamamayan na ang ilog ang itinutu­ring nilang basurahan.

Inihalimbawa ni Zamora ang San Juan na umiiral ang P3,000 multa sa sinumang mahuli sa maling pagtatapon ng basura, na naging dahilan upang matakot ang mamamayan na magbayad ng malaking halaga.

“Noong ipinatupad yung P3,000 magtataka ka biglang wala nang nagkalat dun sa Wattah Wattah festival,” aniya.

Naniniwala si Zamora na epektibo ang pagtataas ng multa tulad noong bata pa siya na tumanim aniya sa isip niya ang sobrang taas na multang ipinatupad doon ay talagang kinatakutan kaya walang lumalabag.

Pinag-uusapan na rin ng Metro mayors ang plano na ipatupad ito sa buong NCR dahil hindi nauubos at binabalik-balikan ang mga estero, kanal, ilog at maging pumping stations sa pagkolekta ng mga basurang sanhi ng matinding pagbaha.

Noong Miyerkules, isinagawa ang clean-up drive sa Lambingan Bridge sa San Juan ng Metropolitan Manila Development Authority, San Juan government at iba pang sektor kung saan nahakot ang 2 trak ng basura ang nakolekta sa trash trap.