MANILA, Philippines — Umiskor ang anti-narcotics agents kasunod ng pagkakasamsam sa aabot sa P95 milyong halaga ng shabu na nakasuksok sa gulong habang arestado ang isang drug courier sa isinagawang operasyon sa Lipata Port sa Surigao City, Surigao del Norte nitong Sabado ng umaga
Sa report ng CARAGA Police at Philippine Drug Enforcement Agency CARAGA (PDEA 13), naharang ang shipment ng droga sa nasabing pantalan mula sa isang 23-anyos na drug courier na taga-Taguig City na hindi na nakapalag matapos palibutan ng arresting team ng CARAGA Police at PDEA Region 13.
Nakumpiska mula sa suspect ang 14 malalaking packs ng metaphetamine hydrochloride o mas kilala bilang shabu na tumitimbang ng 14 kilo na may katumbas na halagang P95 milyon.
Narekober din mula sa suspect ang pickup truck na gamit nito sa pagde-deliver ng droga, isang cellphone, at ang gulong na ginamit upang itago ang illegal na droga.