Pacquiao mas eksplosibo | Pilipino Star Ngayon


Barrios agresibo pero

MANILA, Philippines — Maraming pinakawalan na suntok si World Boxing Council (WBC) welterweight champion Mario Barrios kumpara kay Manny Pacquiao sa kanilang laban noong Linggo sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, Nevada.

Kitang-kita ang agresibong galaw ng 30-anyos na si Barrios na naglatag ng 658 kabuuang suntok sa buong panahon ng 12-round fight kumpara sa 577 lamang ng Pinoy champion.

May 120 rito ang naikonekta ni Barrios laban sa 101 ni Pacquiao.

Lamang din si Barrios sa jabs na may kabuuang 423-318 bentahe at naikonektang 45 jabs — malayo sa 20 jabs ni Pacquiao.

Subalit umabante si Pacquiao sa mas importanteng power punches kung saan may 259 ito laban sa 235 ni Barrios.

Nakapaglatag din si Pacquiao ng 81 power punches na isa sa pangunahing dahilan upang masaktan ng husto si Barrios.

Nagtala si Barrios ng 75 power punches.

Sa huli, nauwi sa majo­rity draw ang laban dahilan para manatili kay Barrios ang korona ng WBC.

Sa kabila ng edad nito, pinatunayan ni Pacquiao na may ibubuga pa ito sa mundo ng boksing.

Sa katunayan, hanga si Barrios sa ipinamalas ni Pacquiao na nananatiling malakas.

Naramdaman ni Barrios ang bagsik ng kamao ni Pacquiao at aminado itong nahirapan ito sa laban.

“He’s still very explosive,” ani Barrios sa nauna nitong panayam.

Maraming natutunan si Barrios sa mga estilo ni Pacquiao.

Kaya naman masaya itong nakaharap ang isang legendary boxer na tulad ni Pacquiao.

Dahil sa matikas na ipinamalas ni Pacquiao, usap-usapan na ang mga susunod na laban nito.

Walang balak si Pacquiao na magretirong muli dahil ang laban nito kay Barrios ang magsisilbing hudyat ng pagbabalik nito sa mundo ng boksing.

“Pacman is back, so I’m still here,” ani Pacquiao sa kanyang mga post sa social media.

Wala aniyang dapat ipag-alala lalo pa’t may mga nangangamba sa kaligtasan nito.

“Don’t worry,” ani Pacquiao.