Pag-regulate sa paggamit ng internet ng menor-de-edad, ok sa Malakanyang


MANILA, Philippines — Suportado ng Malakanyang ang panukala ni Sen. Panfilo Lacson na i-regulate ang paggamit ng internet ng mga meno-de-edad.

Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, kung makabubuti sa mga kabataan ang panukala ng senador ay kanila itong sususugan.

Tiyak aniya na makakakuha ng suporta ang layunin ng senador lalo na kung ito ay para sa kapakanan at interes ng taumbayan lalo na ang mga kabataan.

Ang hakbang ni Lacson ay kasunod ng lumabas sa pag-aaral na posibleng magresulta sa mental health issues ang sobrang pagkababad ng mga menor-de-edad sa internet.

Karamihan aniya sa mga menor-de-edad na kabataan ay babad sa paggamit ng gadget na inaabot ng madaling araw at nakokompromiso umano ang kanilang mga kalusugan na nauuwi sa pagkakasakit.