Pagkolekta sa dental record ng missing sabungeros sisimulan na


Ludy Bermudo — Pilipino Star Ngayon

August 12, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Sisimulan na ng Department of Justice (DOJ) ang pagkolekta ng dental records para sa pagbuo ng dental bank record matapos matagpuan ang mga ngipin sa search and retrieval operations sa Taal Lake.

Sinabi noong Huwebes ni Justice spokesperson Mico Clavano na isa ito sa identification process na posibleng makatulong sa patuloy na imbestigasyon ng missing sabungeros.

“We will also start looking for dental records and create a dental bank record, if that is what you call it, so that we can identify who these people are,” ani Clavano.

Aniya, mayroon ding bahagi sa ngipin na maaring makuhanan ng DNA, partikular sa mga bungo na may panga at nakakabit pa ang mga ngipin.

Bukod dito, ang mga narekober na personal na gamit sa Taal Lake ay maaari ring kilalanin ng mga kaanak ng nawawalang sabungeros katulad ng underwear at mga damit.