November 20, 2025 | 12:00am
ANG mag-asawang Nato at Marie ay may-ari ng isang lupang may sukat na 972 square meters (lot 1470) at may tatlong anak sina Ferd, Lina, at Nica.
Bago ikasal kay Marie, may pito na siyang anak mula sa unang asawa niyang si Dores, na ang panganay ay si Martha.
Noong 1934, pumirma sina Nato at Marie ng deed of absolute sale para sa lupa pabor kay Gino, ngunit hindi ito narehistro at hindi rin agad inokupahan ni Gino ang lupa.
Noong 1949 lamang niya ito inookupa. Namatay si Nato noong 1949 at si Marie noong 1959.
Dahil hindi pa napapatituluhan ang lupa, humiling si Gino sa mga nabubuhay na anak nina Nato at Marie, sina Ferd at Lina, na kumpirmahin ang pagbili sa pamamagitan ng isang notaryadong dokumento, na pinirmahan nila.
Dahil dito, nakakuha si Gino ng titulo noong May 23, 1960. Noong May 7, 1990, hinamon naman ng anak ni Nato sa unang asawa, na pinamumunuan ni Martha, ang bisa ng titulo.
Ayon sa kanila, walang sapat na ebidensiya ang pinirmahan nina Ferd at Lina, kaya dapat daw ibalik ang lupa sa kanilang ama.
Hindi tama ang sinasabi ni Martha. May bisa ang kumpirmasyon nina Ferd at Lina dahil ito ay notaryado at pinapalagay na tama at legal.
Ang dokumentong ito ay makatotohanan dahil salungat pa ito sa sariling interes ng mga pumirma. Bukod dito, 30 taon na ang lumipas mula nang napatituluhan si Gino, kaya malinaw na natulog ang mga anak sa kanilang karapatan.
Ang aksyon upang kuwestiyunin ang titulo ay dapat inihain sa loob ng 10 taon mula nang matuklasan ang mali.
Ang rehistrasyon sa Register of Deeds ay abiso na naipalipat na ang titulo kay Gino, kaya huli na ang ginawa ni Martha at ng kanyang kapatid (Declaro et. al. vs. Court of Appeals, G.R. No. 119747, Nov. 27, 2000).