Pagpupugay sa Philippine Coast Guard


BARDAGULAN — Ronald M. LLamas — Pilipino Star Ngayon

November 5, 2025 | 12:00am

KAMAKAILAN, may isang “kuting” na naglalaway sa aten­syon, ang nanawagan na i-abolish daw ang Philippine Coast Guard (PCG), kesyo sila raw ang magiging sanhi ng giyera sa pa­gitan ng Pilipinas at Tsina sa West Philippine Sea. 

Ang aking unsolicited advice sa PCG: huwag nilang sa­yangin ang kanilang oras sa opinyon ng isang tila ligaw na pusa na ni hindi alam kung saang village gate siya dapat mag-rally. Paumanhin sa cat lovers, pero hindi dapat patulan ang “kuting” na nagkukunwaring leon sa social media pero walang ambag sa laban sa West Philippine Sea, baka nga duwag pa. Hindi siya gaya ng mga totoong pusa, may sense of loyalty.  

Kung tutuusin, mga tunay na leon sa tapang at kaba­ya­nihan ang ating mga frontliner sa PCG at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR). Malayo sila sa mga traydor nilang kritiko na halatang kampi sa Beijing, kagaya ng naka­raang administrasyon.

Hindi matatawaran ang kanilang dedikasyon sa West Phi­lip­pine Sea. Sa harap ng isang dambuhalang bansa na may armada ng barko, mula sa China Coast Guard, People’s Libe­ration Army Navy (PLA-Navy), at militia, nananatili silang matatag. Kahit binobomba ng high-pressure water, binabangga nang malalaking barko, at pinaliligiran ng sangkatutak na Chi­nese vessels, patuloy silang nagwawagayway ng ating bandila sa sariling karagatan.

Patuloy silang nagpapatrulya, ginagarantiya ang ating so­vereignty, sovereign rights, at territorial integrity. Ipinag­lalaban nila ang karapatan ng ating mga mangingisda at ang kanilang kabuhayan. Sila ay mga bayani sa dagat na hindi humihingi ng spotlight, pero karapat-dapat ipagdiwang at ipagmalaki.

Maraming maaaring matutunan ang mga coast guard ng ibang bansa sa ating mga frontliners, mula sa expert sea­manship at professionalism sa harap ng harassment, hang­gang sa taktikal na diskarte kahit limitado ang sea assets. Sa gitna ng kakulangan sa modernong kagamitan at teknolohiya, taglay nila ang pinakamatibay na mga sandata: tapang, talino, at pagmamahal sa bayan.

Nararapat lamang na bigyan ng sapat na badyet ang ating mga frontliners mula sa PCG, BFAR at maging sa Philippine Navy. Imbes na nilulustay sa mga ghost projects ang kaban ng bayan, ilaan ang pondo sa mga tunay na nagbabantay sa dangal ng ating bansa. Panahon na para suklian natin ang kanilang kabayanihan, tapang, at de­di­­kasyon. 

West Philippine Sea, atin ito!