September 18, 2025 | 12:00am
Mula nang ako ay maupong mayor ng Quezon City, isa sa naging pangunahing prayoridad ko ay ang siguruhing may sapat at angkop na serbisyong pangkalusugan para sa QCitizens.
Kaya naman, inilunsad kamakailan ng lokal na pamahalaan ang “Healthy QC” campaign para tugunan ang isa sa emerging public health threat sa ating mga mamamayan, lalo na sa kabataan — ang obesity.
Sa kauna-unahang Obesity Summit, inilahad natin na batay sa datos ng Quezon City Health Department (QCHD), isa sa limang indibidwal edad 20 pataas na na-assess sa ating health centers ay overweight o obese. Gayundin, pagdating sa ating public school learners nitong nagdaang academic year, tinatayang higit 31,000 estudyante edad 6-12 ang nasa parehong kategorya.
Kaya bilang tugon, pinagtibay natin ang whole-of-society approach sa tulong ng kampanyang ito para siguraduhing naaayon ang ating mga hakbang tungo sa mas malusog na QC.
Sinimulan na natin ito sa pagtutok sa first 1,000 days ng ating mga anak kung saan may health at nutritional interventions nang nakalatag para tugunan ang stunting at malnutrition.
Gayundin, may mga programa tayong ipinatutupad sa mga paaralan para isulong ang healthy diet at physical activity sa ating mga mag-aaral. Kasama na rito ang pagbabawal sa unhealthy foods at sugary drinks.
Ipinatutupad din natin sa mga public establishment ang Healthy Public Food Procurement Policy kung saan lahat ng inihahain nating pagkain ay naaayon sa nutrition standards.
Umiiral na rin sa lahat ng food establishments dito sa QC ang Calorie-Labelling Ordinance na layuning tulungan ang mga konsyumer na magkaroon ng informed choice pagdating sa pagkain. Maski ang ating Urban Farming Program ay nariyan para sa mga nais magtanim ng sarili nilang pagkain.
Pagdating sa mga barangay, pinalawak natin ang saklaw ng Quezon City Seal of Good Housekeeping para maisama ang nutrition at iba pang health-related services. Hinihikayat din nating magkaroon sila ng isang Barangay Nutrition Scholar para may nakatutok sa nutrition education sa mga komunidad.
Certified na rin para sa PhilHealth YAKAP Package ang ating 67 health centers maging City Employees’ Clinic. Maski sa mga paaralan, inexpand natin ang YAKAP sa tulong ng First Patient Encounter.
Bukod sa marami nating health at nutrition interventions, gusto rin nating gawing mas aktibo at physically fit ang bawat QCitizen. Nariyan ang QC Bike Lane Network, pedestrian-friendly GORA lanes, at ang tinatangkilik na weekly “Car-Free, Carefree Sundays”.
Lahat ng ito ginagawa natin sa kagustuhan nating maging malusog, aktibo, at masaya ang ating QCitizens.
At para mas itanyag ang mga programang ito, ganap na nating inihain sa Sangguniang Panlungsod ang draft ng ‘Healthy QC’ ordinance sa katatapos lang na summit.
Lubos din ang ating pasasalamat sa Novo Nordisk at Royal Danish Embassy dahil kasama natin sila sa ginanap na summit, at katuwang natin sila sa pagtupad sa hangarin nating matugunan ang sakit na ito.
Magiging matagumpay at epektibo lamang ang ating mga polisiya kung lahat ay nagtutulungan. Ang bawat hakbang at desisyon na ating ginagawa, lahat ito ay pundasyon para sa maitaguyod ang isang “Healthy QC”.