LAOAG CITY, Ilocos Norte, Philippines — Limang records ang nasira sa athletics at swimming events, habang limang gold medals ang inangkin ni gymnast Arman Hernandez Jr. sa 65th Palarong Pambansa kahapon dito.
Inilista ni Jhul Ian Cañalita ng Region VII (Central Visayas) ang bagong markang 15:16.31 sa secondary boys’ 5,000-meter run para burahin ang dating record na 15:38.04 na itinala ni Cresencio Cabal sa Bacolod City 27 taon na ang nakakalipas
“Inaalay ko po ito para sa aking mga magulang,” wika ng 16-anyos na Grade 10 student ng Tabuhan National High. “Hindi ko po ine-expect na mananalo ako.”
Nagposte rin ng bagong Palaro mark si Mico Villaran ng Region VI (Western Visayas) sa secondary boys’ 110m hurdles sa kanyang 14.00 segundo.
Ibinasura ni Villaran ang 14.68 segundo ni Patrick Unso na isinumite noong 2010 edition sa Tarlac.
Bagong Palaro mark din ang itinakbo ni Josh Gabriel Salcedo ng Region VI (Western Visayas) sa kanyang 45.52m sa secondary boys’ discus throw.
Binasag ni Salcedo ang lumang 42.86m ni Airex Villanueva noong 2023 edition sa Marikina City.
Nagsumite rin ng bagong record na 54.29 segundo si Chris Evan Domingo ng NCR sa elementary boy’s 400m para ibaon ang dating 54.30 segundo ni Sajipa Bassal na inilista noong 1998 edition.
Sa swimming, nilangoy ni Rafael Titus Sia ng NCR ang bagong markang 2:07.86 sa elementary boys 200m freestyle event para burahin ang 2:08.12 ni Rafael Barreto noong 2013.
Samantala, limang ginto ang kinabig ni Hernandez ng NCR sa elementary boys’ men’s artistic gymnastics.
Nagbida ang 8-anyos na Grade 4 student ng Don Carlos Village Elementary School sa Pasay City sa cluster 1 elementary boys’ floor exercise (9.200), vault (9.300), horizontal bar (9.300), individual all-around (36.600) at cluster 2 team championships (115.500) kasama sina Kizz at Deena Gungob.
Kumubra naman ng tig-dalawang golds sina King Cjay Pernia ng NCR sa secondar boys’ gymnastics, John Paul Rijie ng NCR sa secondary boys’ taekwondo, Zion Ysabelle Buenviaje ng CAR sa elementary girls’ taekwondo at Chezka Nicollete Luzadas ng CAR sa secondary girls’ taekwondo.
May dalawang ginto rin sina Mar Viel Carredo at Jamaicah Yap Mendoza ng Region IV-A (Calabarzon) sa secondary boys at girls individual at team blitz event.
