MANILA, Philippines — Tumaas ang trust at performance rating ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. sa ikalawang bahagi ng taong 2025 habang bumaba naman ang kay Vice President Sara Duterte.
Batay sa resulta ng Tugon ng Masa survey ng OCTA Research, si Pang. Marcos ay nakatanggap ng 64% trust rating, o pagtaas ng apat na puntos.
Ang kanyang performance rating ay tumaas rin naman ng tatlong puntos at umakyat sa 62%.
Ayon pa sa OCTA, nagawa rin ng Pangulo na makabawi at mabaligtad ang downward trend sa kanyang ratings noong huling bahagi ng 2024 matapos na makapagtala ng pinakamataas na trust at performance ratings sa mga top officials ng pamahalaan na kasama sa survey.
Samantala, bumaba naman ng apat na puntos ang trust ratings ni VP Sara na nasa 54% na lamang habang anim na puntos ang ibinagsak ng kanyang performance na nasa 50% na lamang.
Bumaba rin ng tig-apat na puntos ang trust at performance rating ni Senate President Chiz Escudero, na nasa 51% at 49% na lamang.
Sa kabilang dako, si House Speaker Martin Romualdez naman ay nakapagtala ng tatlong puntos na pagtaas ng trust na nasa 57% habang ang kanyang performance ay naitala sa 62%.
Nabatid na nasa 1,200 respondents ang lumahok sa survey ng OCTA, na pawang isinailalim sa face-to-face interviews at nagkakaedad ng 18 taong gulang pataas.
Ang survey, na isinagawa mula Hulyo 12 hanggang 17, ay may ±3% margin of error at may 95% confidence level.
